
Hindi maitatanggi na marami nang Pinoy ang nasa iba't ibang bansa ngayon na tinagurian bilang mga Global Pinoys. Mula sa mga overseas Filipino Workers, hanggang sa mga nag-migrate at residente na ng ibang bansa, hindi na mabilang ang mga Pilipino abroad.
Sa sanaysay ng batikang broadcast journalist na si Howie Severino, sinabi niyang ang ideya ng Global Pinoys ay nanggaling sa paniniwala ng mga Pilipinong namumuhay abroad na kahit wala sila sa bansa ay konektado pa rin sila sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.
Kinikilala ng ilan bilang pioneer ng Global Pinoys ay and dating labor leader na si Larry Itliong. Sa kaniyang sanaysay, idinetalye ni Howie kung papaano inorganisa ni Larry noong 1960s at 1970s ang pinaka matagumpay na labor movements sa Amerika para ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino.
Katunayan ay ipinagdiriwang nila ito sa California sa pamamagitan ng Larry Itliong Day, at a pagpangalan ng isang eskwelahan at tulay sa kaniya.
“He is credited with organizing one of the most successful farm labor movements in America, and winning rights that workers today take for granted. He has been honored in his adopted country with a 'Larry Itliong Day,' a school and bridge named after him, a documentary about him and his movement, and even a musical based on his life and times,” pagsasalaysay ni Howie.
Ngunit kahit kinikilala siya sa America ay hindi alam ng kaniyang mga kababayan sa Pangasinan ang kaniyang nagawa para sa mga Pinoy abroad hanggang kamakailan lang noong magkaroon din ng Larry Itliong Day sa kaniyang bayan.
“A project of California-based Filipino artist and civic activist Eli Silva, the idea to celebrate its native son Itliong was embraced by the local government led by Mayor Alicia Enriquez,” sulat ni Howie sa kaniyang sanaysay.
RELATED CONTENT: Sparkle stars, pinasaya ang global Pinoys sa Japan
Kuwento pa ni Howie Severino na bilang kapwa Global Pinoy ay nagbigyan siya ng pagkakataon magbigay ng speech sa naturang espesyal na araw.
Sa kaniyang talumpati, ipinaalam ni Howie ang mga nagawa ni Larry para sa mga Pinoy noon, kasama na ang pamumuno sa pagbubuklod ng mga Mexicano sa California noon 1970s kasama ang mga Pilipino para makibaka at ipaglaban ang karapatan nila bilang mga manggagawa.
Kwento ni Howie, “Noong araw, ang mga mangagagwa sa bukid sa Amerika ay tumatanggap ng mas mababa pa sa minimum wage na nakalaan sa batas. Hindi 'yun masikmura ni Larry at sa kanilang pagwewelga at negosasyon nagtagumpay sila sa wakas at napanalunan nila ang karapat-dapat sa kanila.
“Walang tigil ang paglilingkod ni Larry para sa kapwa, hanggang siya'y mamatay sa edad na sesenta'y tres, bata pa pero ang daming nagawa. Siya ngayon ang kinikilalang isa sa mga ama ng kilusan ng manggagawa sa California. Lahat ng mga Pilipinong naghahanap buhay ngayon sa California ay nakikinabang sa sakripisyo at pakikibaka ni Larry,” pagpapatuloy ni Howie.
Sabi ng batikang broadcast journalist ay matagal nang may Larry Itliong dahil sa mga nagawa niya para sa Global Pinoys noon. Kaya naman ngayon ay masaya si Howie makitang kinikilala na rin siya sa sariling bayan.
“Isa siya sa mga dakilang Pilipino na kahit nasa ibang bansa na, hindi tumitigil ang pagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” ani Howie.
Sa huli ay ibinahagi rin niya ang iba't ibang aral na matututunan ng mga Pilipino mula sa buhay ni Larry.
“Una, manindigan para sa prinsipiyo. Huwag magpaapi. Pangalawa, magbuklod, mag-organisa. Mas malakas at mas magtatagumpay kapag organisado. Pangatlo, sikapin natin sa bayang tinubuan na pagbutihin ang buhay natin… para lahat tayo umasenso upang hindi na kailangan mangibang bayan para maging Larry Itliong sa labas ng bansa,” sabi niya.