
Trending ngayon sa social media ang post ng Filipino rap icon na si Gloc-9 kung saan binalikan niya ang kaniyang karanasan bago maging isang sikat na rapper.
Sa Instagram, nagbahagi ng larawan ng kaniyang Bureau of Internal Revenue (BIR) ID ang "Walang Natira" rapper at ikinuwento na minsan niya nang naisip na umalis ng bansa para magtrabaho bilang isang service crew sa fast food restaurant.
Aniya, "Dati akala ko wala nang magyayare sa pagra-rap ko. Inisip ko nalang na mag-abroad kaya nag-apply akong service crew sa pizza hut sa Brunei. Kailangan daw ng [TIN] kaya kumuha ako sa ermita noon pagkatapos kong magpa-medical."
Dagdag pa niya, "Nakapasa ako sa final interview tapos sabi sakin ang sasahurin ko doon kapag ginawa mong peso ay nasa P23,000 libre tirahan at pagkain. Tuwag tuwa ako kaya dali dali kong inayos ang passport ko. Sabi ko sa sarili ko baka nandito ang swerte ko. Pagpunta ko sa census sabi nila sakin wala akong record doon at kailangan kong hanapin ang original birth certificate ko kung saang ospital ako pinanganak."
Para kay Gloc-9, itinuring niya bilang isang pahiwatig ang naturang insidente na ipagpatuloy na lang ang kaniyang karera bilang isang rapper kaysa maging isang OFW.
"Doon ako napaisip ng mabuti na baka hindi ako dapat mag-aborad. Baka sign 'yun na ituloy ko ang pagra-rap ko. Kaya 'yun eto pa rin ako nagra-rap at nag-iisip pa rin ng mabuti kung bakit ang kapal kapal ng buhok at patilya ko sa id kong yan!Ingat kayo lagi kitakits soon," sulat niya.
Samantala, sa comments section, inulan naman ng papuri si Gloc-9.
Kasalukuyang nasa US si Gloc-9 kasama ang ibang Filipino bands gaya ng Rivermaya para sa OPM Summer Fest 2023.
KILALANIN ANG IBANG CELEBRITIES NA NAGTRABAHO RIN SA FAST FOOD RESTAURANT SA GALLERY NA ITO: