
Napansin ng gurong si Jan Aeron Bernardo na nagiging madalas ang pag-absent ng kanyang estudyanteng si Aldlimer Virgel Baring pagpasok nito sa Grade 11.
Napag-alaman nilang ulila na pala ito at mag-isang binubuhay ang sarili.
"Nakausap po namin siya. Nalaman po namin kung ano pong sitwasyon nya dito, na mag-isa lamang po siyang naninirahan, mag-isang binubuhay ang sarili niya," pahayag ni Teacher Jan.
Two-years old si Aldlimer nang maghiwalay ang kanyang mga magulang at tumira siya kasama ang kanyang tatay at lola.
Sa kasamaang palad, pumanaw ang kanyang tatay noong 2017, at sumunod ang kanyang lola ngayong taon lang.
Para may pangggastos, nagtatrabaho si Aldlimer sa construction at nangangalakal din. Tinutulungan din siya ng kanyang mga guro sa pamamagitan ng pag-aabot ng baon.
Pero dahil sa lockdown, hindi ngayon makapaghanapbuhay si Aldlimer. Binibigyan na lang siya ng tulong ng kanyang mga guro at kapitbahay.
Dahil dito, minarapat ni Teacher Jan na sumulat sa GMA Kapuso Foundation para idulog ang kanyang mag-aaral.
Agad naman itong tinugunan at nakapaghatid ang GMA Kapuso Foundation kay Aldlimer ng grocery packs, tubig, banig, kumot at washable cloth face masks.
"Gusto ko pong magpasalamat unang una sa lahat, kay Lord. Sa GMA Kapuso Foundation, sa mga teachers ko, sa mga kapitbahay ko po, sa lahat po ng mga tumulong sa akin, maraming maraming salamat po," pahayag niya.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa mga sponsors, partners, at sa lahat ng donors na walang sawa sa pagtulong.
Sa mga nais pang mag-donate, bumisita lang sa official website ng GMA Kapuso Foundation.