
Bumuhos ang positibong reaksiyon at suporta mula sa netizens matapos magbigay-sulyap ang GMA Pictures sa kauna-unahang teaser trailer ng Amir, isa sa walong opisyal na kalahok sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Noong Lunes, Oktubre 12, opisyal na ipinasilip ng Kapuso film studio, katuwang ang GMA Public Affairs at Brightburn Entertainment, ang kapanapanabik na kuwento ng pelikulang nakatakdang ipalabas ngayong Pasko.
Nitong Miyerkules, Oktubre 14, mabilis na pumatok ang inilabas na teaser trailer sa mga opisyal na Kapuso social media account, kung saan nakapagtala na ito ng mahigit apat na milyong views sa iba't ibang social media platform.
Sa maikling patikim, ipinasilip sa mga manonood ang makulay at kamangha-manghang mundo ni Amir, isang batang may pambihirang kakayahang makakita ng mga misteryoso at kakaibang nilalang sa lupa, dagat, at maging sa himpapawid.
Bukod sa mayamang kultura ng bansa na itatampok sa kuwento, kaabang-abang din ang mga kilalang bituing magbibigay-buhay sa mga karakter sa pelikula.
Isa sa mga labis na ikinatuwa ng netizens ang pagbabalik sa MMFF ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo, na matatandaang bumida rin sa 2024 MMFF entry ng GMA Pictures na Green Bones.
Gagampanan ni Dennis ang papel ni Ali, ang ama ng pangunahing karakter. Makakasama niya ang mahusay na child actor na si Argus Aspiras, na gaganap naman bilang batang Amir.
Lalo pang bibida sa pelikula ang ilan pang tanyag na Kapuso stars, kabilang sina Glaiza de Castro, Will Ashley, Caprice Cayetano, Heath Jornales, at marami pang iba.
Binaha ng libo-libong positibong komento ang comments section ng teaser trailer, kung saan ipinahayag ng mga manonood ang kanilang pagkamangha at pananabik na mapanood ang pelikula sa mga sinehan.
“Naku, quality kapag GMA ang gumawa tapos Zig Dulay pa, Ricky Lee samahan mo pa ng Dennis Trillo,” komento ng isang netizen.
“Deserve suportahan ang movie na 'to, lalo na ng mga tatay na katulad ni Dennis na gagawin ang LAHAT para lang sa anak. Must-watch ang movie na 'to,” pahayag naman ng isa.
“Bakit ako naiiyak? Parang may mga alaalang ibinabalik ang trailer na ito,” ani pa ng isang netizen.
“Always been fascinated by how Zig Dulay portrays the world through the lens of a child. Adding this to my watchlist,” namamanghang komento ng isa pa.
Ang Amir ay nasa ilalim ng malikhaing direksiyon ng award-winning director na si Zig Dulay, ang direktor sa likod ng mga pinarangalang Kapuso MMFF entries na Firefly at Green Bones.
Isinulat naman ang screenplay ng beteranong manunulat na si Ricky Lee, katuwang si Anj Atienza, batay sa orihinal na kuwento ni Ian Simbulan.
Ipinakilala ang Amir kasama ang iba pang inaabangang MMFF entries ngayong taon, kabilang ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films, Haunted Carnival ng Regal Films, at The Greatest Showdown ng Star Cinema.
Related Gallery: Dennis Trillo, 'Green Bones,' other winners at Gawad Urian 2025