
Patuloy na tinatangkilik at sinusuportahan ng publiko ang inspirational-drama film na Green Bones.
Nitong January 1, maraming sinehan ang nag-anunsyo ng sold-out shows dahil sa dami ng mga taong pumipila at nanood ng pelikula. May mga nag-organize ng block screening, tulad ng Team Jolly fans nina Sofia Pablo at Allen Ansay.
Dumagsa rin ang mga positibong review ng Green Bones online, na puno ng papuri para sa maganda nitong cinematography at nakakaantig na istorya. May mga hindi napigilang umiyak, habang ang iba naman ay natuwa sa mga aral na napulot nila mula sa pelikula.
Bilang sagot sa mga hiling ng karamihan, pinapalabas na ang inspirational-drama film sa mahigit 170 na mga sinehan nationwide.
Ngayong January 2, available na ang pelikula sa mga sinehan sa SM Sto. Tomas, SM Bacoor, at SM Butuan. Mapapanood din ang Green Bones sa iba pang sinehan sa Metro Manila at sa mga probinsya ng Luzon. Umabot na rin ang pelikula sa ilang sinehan sa Visayas at Mindanao.
Kasama ang iba pang Filipino movies, magkakaroon din ito ng special screening sa Los Angeles, USA para sa gaganaping Manila International Film Fest 2025.
Nanalo ang film entry na Green Bones bilang 2024 Best Picture sa Metro Manila Film Festival. Ito ay binuo ng award-winning team ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at co-produced ng Brightburn Entertainment.
Pinagbibidahan ito ng MMFF Best Actor winner na si Dennis Trillo at MMFF Best Supporting Actor winner na si Ruru Madrid. Kasama rin sa mahuhusay na cast sina Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, Michael de Mesa, Ronnie Lazaro, Mikoy Morales, Royce Cabrera, Gerhard Acao, Raul Morit, Sienna Stevens, Sofia Pablo, Victor Neri, Kylie Padilla, Ruby Ruiz, Pauline Mendoza, at Enzo Osorio. May special participation din sina Iza Calzado at Nonie Buencamino.
Idinerehe ito ni Zig Dulay at isinulat nina Ricky Lee at Anj Atienza. Kasama rin sa proyekto ang Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International.
Balikan ang star-studded premiere night ng Green Bones sa gallery na ito: