
Bagamat ilang taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang music legend na si Rico J. Puno, patuloy pa rin siyang inaalala ng mga kapwa niya OPM hitmakers na sila Hajji Alejandro, Marco Sison, Nonoy Zuniga, at Rey Valera.
Sa ginanap na press conference para sa U.S. concert tour nilang Four Kings and a Queen, ikinuwento ng apat na batikang music artists ang kanilang masasayang alaala kasama si Rico, na pumanaw noong 2018.
Pabirong kwento ni Hajji, mas dumami ang gigs niya nang mawala ang kaibigan. Aniya, "On a personal note, ang masasabi ko lang, noong talagang nawala si Pareng Rico, nadoble ang booking ko. Ako, personally, dumoble. Kaya naisip ko, kapag nawala pa itong tatlong ito, baka lalo na akong hindi magkandaugaga sa dami."
Pero seryoso niyang sinabi na sa tuwing magkakaroon silang apat ng show, hindi nawawala ang tribute nila para sa matalik na kaibigan.
Pahayag ng "Nakapagtataka" singer, "I think Rico would have wanted us to go on with this Hitmakers. Na-miss namin siya. In fact, yung concerts namin sa America before the pandemic laging we make sure na kinakanta pa rin namin [ang songs niya]. There's a 50-minute [segment], mahaba yun, ha, where we pay tribute to Rico by singing his songs. 'Tapos, lumalabas din siya sa big screen to sing with us."
Katulad ni Hajji, ang pagiging natural na komedyante ni Rico rin ang magandang alaala ni Nonoy tungkol sa kanya.
Aniya, "Of course, hindi lang ako ang naapektuhan, lahat kami. Matagal ko na ring kakilala si Rico, e. Mula noong nag-umpisa ako as a solo performer, isa na rin siya sa nag-advice sa akin, hindi ko makakalimutan, 'Yung baston mo, Noy, huwag mong bibitawan. Kasi, kapag binitawan mo 'yan, matutumba ka.' Literally, kanina natumba ako kasi 'di ko dala yung baston ko.
"Nakakalungkot talaga si Corics kasi natural comedian siya, very natural on and off stage."
Sinang-ayunan naman ito ni Marco, na nagsabing hanggang ngayon ay ramdam pa rin nila ang presence ng namayapang kaibigan.
Aniya, "Natural lang na ma-miss namin si Corics kasi ang tagal naming kasama yun, since 2003. 'Tapos, at the time na sumisikat siya, ginagaya-gaya ko pa 'yun. Pero 'yung presence ni Rico Puno... may nagtanong nga kanina, e, 'Darating ba si Rico?' Sana dumating.
"Ang ibig kong sabihin, kayo rin nami-miss n'yo si Rico Puno, mas lalo kami. Sa totoo lang, up to now, 'yung mga jokes niya, ginagawa pa po namin. Ang pinakamagaling na mag-deliver ng green jokes niya ay 'yung taong nasa kaliwa ko [Rey Valera]. Siya po ang taga-deliver ng mga jokes ni Rico J. Puno."
Ibinahagi naman ni Rey ang isa sa mga naging huling kahilingan ng kanilang kaibigan.
Kuwento niya, "Kung di po n'yo alam, 'yung una kong ginawang kanta, supposed to be ginawa ko 'yun para kay Rico Puno. Malaki ang impluwensiya niya sa akin talaga. 'Ako si Superman' yung kanta na 'yon. At noong bago siya mamatay, nag-i-insist siya na kantahin namin on stage, hindi ko maintindihan kung bakit.
"Then, tuwang-tuwa siya, 'Bagay pala sa akin 'yon.' 'Ginawa ko para sa 'yo yun, e.' Sabi niya, 'Kung kinanta ko pala 'yun, wala ka ngayon?' Sabi ko naman, 'Siyempre, wala ka nang magagawa, nandito na ako, e.' Sabi niya, nagsisisi nga ako na nandito ka, e.' Ganyan ang humor n'on."
Dagdag pa niya tungkol sa pagiging komedyante ni Rico, "Ang mga memorable moments ko sa kanya, binu-bully niya sa akin tuwing nagso-show kami, ang makeup ko raw parang natutulog lang. Noong namatay siya, nandoon siya sa kabaong, sabi ko, 'Parang natutulog ka rin lang.' Actually, talagang close kami nila Corics kahit magkakaiba kami ng personalities, natural lang naman 'yun."
Credit: Amore Entertainment