Showbiz News

Diana Zubiri, nakaranas ng postpartum depression

By Dianara Alegre

Ibinahagi ng aktres na si Diana Zubiri na nakaranas siya ng post-partum depression ilang araw matapos maisilang ang pangatlo niyang anak na si Amira Jade Smith.

Isinilang niya si Amira nitong October 8 at dahil sa kinailangan nina Diana at baby Amira na mag-quarantine sa loob ng dalawang linggo, mag-isa niya lamang inalagaan ang bunso nila ni Andy Smith.

Si Andy ang kasama ng dalawa pa nilang anak na sina Aliyah Rose Smith at Joaquin Achilles “King” Garcia.

dianazubirismith (IG)

“Parang feeling ko hindi ko kaya. Feeling ko pasan ko ang daigdig kasi siyempre ako lang mag-isa. Ako lang 'yung puyat, ako 'yung pagod pero worth it naman siya.

“Looking back, iniisip ko mukha pala akong tanga nu'n. iiyak-iyak pa 'ko,” ani Diana nang makapanayam ng 24 Oras.

Dagdag pa niya, hindi naging madali ang panganganak niya sa gitna ng pandemya.

“Natakot ako siyempre unang-una hindi ko kasama si Andy tapo tapos baka makakuha kami ng sakit.

“So, doble-doble na lang 'yung pag-iingat. Parang two days lang kami sa ospital. Tinapos lang namin 'yung mga kailangang vaccine ni baby, newborn screening,” aniya.

Diana Zubiri (YouTube)

Samantala, naging tahimik ang pagbubuntis ni Diana kay Amira at nalaman na lang publiko ang tungkol dito noong nakapanganak na siya.

“Nahihiya kasi ako mag-announce.

“Bago kasi nagkaroon ng lockdown, ano na ako bedrest. Tapos hindi ako masyadong makausap. Kumbaga wala sa plano ko na makipagsabayan pa nu'ng lockdown na i-announce because I wasn't feeling well talaga.

“Sabi ko okay na lang, siguro kapag nanganak na lang ako,” sabi pa ng aktres.

Sa ngayon ay hindi muna tatanggap ng showbiz commitments si Diana para alagaan ang mga anak niya.

dianazubirismith (IG)

Panoorin ang kabuuang interview ni Diana Zubiri sa 24 Oras sa itaas.