
Nagbalik-tanaw si Jelai Andres sa kanyang mga naranasan noong 2020, kabilang na ang nakatatakot na panahon noong Oktubre nang nagpositibo siya sa COVID-19.
Ikinuwento ni Jelai, sa pamamagitan ng kanyang vlog, ang mga kaganapan sa kanyang buhay noong nakaraang taon.
Bago pa man nagsimula ang pandemiya, nasubok ang Owe My Love actress dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng kanyang mga alagang aso.
Nang unti-unti na siyang maghilom mula sa pagkawala ng kanyang mga alaga, nagsimula naman ang lockdown at isa-isang nawala ang kanyang mga trabaho at raket.
Hindi man siya sumuko sa mga panahong ito, isa na namang pagsubok ang kanyang hinarap.
Pag-alala niya, “Dumating na 'yung unti-unti tayong nakakalabas, medyo nagkaka-work na ulit-ulit. Ito na 'yung new normal.
"Isa sa pinaka, pinaka, pinakakinakatakot ko nangyari sa amin at hindi niyo alam. Hindi ko nai-share, hindi ko shinare sa inyo is nagka-COVID po kaming lahat. Kaming lahat.
“Alam mo 'yun, pinakadadasal mo na 'wag kayo magkaroon pero ang hirap kasi sobrang nakakatakot talaga.
"Hindi biro po ang magka-COVID. Ang hirap, sobra.
"Nahirapan ako, hindi para sa akin kundi para doon sa mga kasama ko, sa pamilya ko, lahat kami sa bahay po."
Ipinakita ni Jelai ang kanyang mga lumang video na kuha noong nagpositibo siya.
Aniya, sa kanilang lahat ay siya lamang ang may pinakamalalang sintomas tulad ng sipon, ubo, sinat, hirap sa paghinga, at panghihina at sakit sa katawan.
Ngayon, masaya at nagpapasalamat ang aktres dahil tuluyan na silang gumaling at unti-unti na ring bumabalik ang kanyang trabaho. Maliban kasi sa Owe My Love, naging regular na rin siya sa The Boobay and Tekla Show.
Paalala niya sa kanyang fans at followers, “Mahalin po natin ang mga family natin. Ingatan po natin sarili natin. Bakit ako umiiyak.. Ang saya ko kasi nakasama ko 'yung family ko ngayong holiday.
Sobrang thankful ako kasi nalagpasan natin 'yung mga ganung pangyayari, 'yung mga trials sa life natin. Masaya ako kasi nag-Christmas kami nitong nakaraan na magkakasama.”
Ginamit din niya ang pagkakataon para magbigay ng update sa tunay na estado ng relasyon nila ng kanyang asawang si Jon Gutierrez, na mas kilala bilang si King Badger ng hiphop group na Ex Battalion.
Pansamatala man silang nagkahiwalay, naging susi naman ang taong 2020 upang sila'y magkaayos at magkapatawaran. Muli rin silang magtatambal sa Owe My Love.
Ani Jelai, “Ayun, masaya naman ako kasi magkakasama kami pero kahit na ganun, alam mo 'yun, may kulang. Maghi-heal din ang lahat. So may dahilan. Titingnan na lang natin kung ano 'yung dahilan na 'yun.
"Siyempre, hindi ko na kailangan i-share sa inyo kung bakit. Sinasabi niyo kasi, 'yung iba nagagalit sa akin, 'Tigas ng puso mo.'
"Hindi ko naman pwedeng i-open sa inyong lahat kung bakit pero alam ko may dahilan ang lahat. Nag-aantay pa tayo, pa rin. Ayaw ko pong magkamali sa desisyon kaya dapat po sigurado. Pero sa ngayon po, sa mga nagtatanong, okay naman po kami ni Jon. Magkaibigan po kami.
“Kung hindi po siya makapaghintay, e, nasa sa kanya na po 'yun. Kung meron siyang mahanap na iba, okay naman po 'yun sa akin.
"Ako rin naman po, open din naman po ako sa mga manliligaw sa akin. Charot. Charot. Charot lang.
"Pero magkaibigan po kami ngayon. Okay naman po kami ngayon, casual.
"Okay kami, so hindi natin masasabi kung ano pwedeng mangyari. Si Lord na po ang bahala, nagta-trust ako sa kanya.”
Panoorin ang kabuuan ng kanyang vlog dito:
Samantala, silipin din ang nakakabighaning bikini photos ni Jelai sa gallery sa ibaba: