
Emosyunal na ikinuwento ni Ana Jalandoni ang matinding trauma na nararanasan niya ngayon dahil sa umano'y pambubugbog sa kanya ng dating boyfriend na si Kit Thompson.
Matatandaan na noong March 18, lumabas ang balitang pananakit umano ng aktor sa kanyang actress girlfriend habang nagbabakasyon sila sa Tagaytay. .
Sa ginanap na press conference para kay Ana nitong Lunes, March 28, inamin ng 25-year-old actress na hanggang ngayon ay tumatakbo pa rin sa isipan niya ang naturang insidente.
"Doon nga po ako hirap. Doon po ako nahihirapan, anxiety, lahat-lahat na. Natatakot ako sa ospital, hindi ako natutulog. Nahihirapan po ako, hanggang ngayon traumang-trauma po ako," mangiyak-ngiyak na pahayag ni Ana.
Pinatunayan naman ito ng kanyang legal counsel na si Atty. Faye Singson.
Aniya, "The following days after the incident, tumatawag po siya sa akin. Siyempre, ang una kong tatanungin, 'Kumusta ka na? Nakatulog ka ba?' 'Yun mismo ang sasabihin niya, she will breakdown and cry, 'Attorney, hindi ako nakatulog. Nanaginip ako, every detail [is] relived in my head. Bangungot, nightmare, akala ko totoo ulit. Kung nakatulog man ako, yun ang nasa isip ko.'"
Bukod sa pasa sa pisngi at pamamaga ng mga mata, nagtamo rin si Ana ng mga pasa sa hita at leeg, na "indications of strangulations" ayon kay Atty. Singson.
Bukod sa anxiety, nakararanas din ng depression si Ana na dulot ng pangyayari.
Ito raw ang dahilan kung bakit binura niya ang kanyang mga larawan sa kanyang Instagram account. Sa ngayon ay apat na lamang ang posts dito, isa rito ang nagpapakita ng ilang larawan niya na tila kuha bago ang insidente.
"Na-depress po ako. Parang kapag nakikita ko yung mukha ko [pagkatapos ng insidente], 'tapos nakikita ko yung pictures ko, parang hindi ako natutuwa, so tinanggal ko po lahat. Hindi ko na po nakikita kung ano yung hitsura ko. Parang hindi na ako yun."
Dahil sa kanyang naranasan, madalas daw na ipinagdarasal ngayon ng aktres na pagtibayin siya para ituloy ang laban sa dating boyfriend.
"Pinagpe-pray ko po, siyempre, nagpapasalamat po ako na ligtas po ako. At saka po, bigyan niya ako ng lakas ng loob para lumaban. Sana maging maayos ang lahat," sabi ni Ana.
Sinusubukan din daw niyang palakasin ang loob, "Kasi, alam ko po na kailangan ko pong magsalita. Although, mahirap nga po, kinakaya ko po. Yung lakas na pinaghuhugutan ko, sa taas po talaga at, siyempre po, sa pamilya ko at mga nagmamahal sa akin."
Sa kabilang banda, humingi naman ng paumanhin si Ana sa kanyang pamilya dahil sa mga pangyayari. Sa nasabing press conference, kasamang humarap ni Ana ang kanyang ama na si Lawrence Jalandoni at kapatid na si Marie Jalandoni.
Aniya, "Sa daddy ko, sa kapatid ko, sorry. Nasaktan ko kayo sa pag-aalala sa akin. Gagawin ko po yung tama. Doon lang ako sa tama. Mamahalin ko po yung sarili ko."
Katulad ni Ana, trauma rin ang naidulot ng insidente sa kanyang kapatid na si Marie, na agad na pinuntahan ang kapatid sa Tagaytay nang malaman ang tungkol sa insidente.
Kuwento ni Marie, "Actually, hanggang ngayon hindi ako maka-move on. Na-shock talaga ako, trauma. Siyempre, sabay kaming lumaki, hindi kami ginulpi ng ganun ng mga magulang namin. Pero noong nakita ko siya sa ospital, halos maiyak ako, hindi ko matanggap.
"Noong nakita ko siya, niyakap niya ako. Hindi ko naman siya mayakap kasi sobrang sakit ng katawan niya, mukha niya. Iyak lang ako nang iyak. Sabi ko na lang sa kanya, 'Magpahinga ka na. Magpagaling ka, nandito lang ako. Hindi ko ma-imagine na saktan siya, e, kasi kilala ko siya kung paano siya magmahal, totoo talaga. 'Di niya deserve yun ganyanin siya ng taong mahal niya."
Hindi rin makapaniwala ang ama nilang si Lawrence sa sinapit ng aktres.
Pahayag niya, "Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na mangyayari yung ganyan dahil kilalang-kilala ko yung anak ko, e. 'Yang katulad nga ng kay Kit, although four months pa lang sila, nakita ko talaga kung gaano ka-supportive siya kay Kit, pinakita niya kung gaano niya kamahal.
"Pero noong nakita ko na ang sitwasyon, hindi ko maisip na ganyan pa niya susuklian ang anak ko, halos mamatay na, e. Siguro naman, hindi lingid sa inyo na tayong mga magulang, alam natin kung gaano kasakit kapag nasasaktan ang mga anak natin. 'Tapos ganyan pa ang inabot. Kaya talagang ilalaban namin 'yan hanggang matapos 'yan para mapatunayan namin... para sa anak ko, yung katarungan na hinahangad namin."
Katulad ni Ana, determinado rin ang mag-amang Lawrence at Marie na ituloy ang reklamo laban kay Kit.
"Tuluy-tuloy lang po ang kasong ito hanggang sa mabigay yung tamang katarungan sa anak ko. Gaya ng nasabi ko kanina, bilang magulang din, basta nasasaktan ang anak natin... nakita n'yo naman ho siguro, wala naman sigurong magulang na papayag na mangyari sa anak 'to. Kaya hanggang huli po, ilalaban ko ito," sabi ni Lawrence.
Sa huli, dahil daw sa nangyari, natutunan ni Ana na mas mahalagang, "Mahalin ko talaga ang sarili ko. Mahalin ko po talaga yung sarili ko bago yung ibang tao. Although alam ko po sa sarili ko kung paano magmahal, as in dalawang kamay ko ang ibibigay ko. Pero itong nangyari sa akin, kailangan mas doblehin ko nang sobra-sobra ang pagmamahal sa sarili ko para hindi ako nasasaktan."
Sinusubukan ng GMANetwork.com na kunin ang panig ni Kit tungkol sa mga pahayag ni Ana. Sa ngayon, wala pang sagot ang kanyang management tungkol rito. Nananatiling bukas ang website na ito sa anumang pahayag mula kay Kit tungkol sa isyung ito.