
Sa unang pagkakataon, nagsalita na sina Heart Evangelista at Angelica Panganiban tungkol sa kanilang hidwaan noon.
Sa latest episode ng reality series ni Heart na Heart World na ipinalabas noong Sabado, March 28, binisita niya si Angelica sa bahay nito sa Subic para sa isang intimate bonding moment. Dito ay napag-usapan din nila kung ano ang dahilan ng kanilang misunderstanding noon.
Paliwanag ni Angelica, "I think sa mga choices naman natin talaga sa buhay tapos parang 'yun 'yung ginusto nating panindigan, e."
Dugtong ni Heart, naging hadlang ang magkaiba nilang paniniwala noon. "So parang kahit from afar, sigurado ka ba happy ka d'yan, may gano'n. Tapos parang defensive 'yung isa, defensive ako tapos parang hanggang sa 'di na kami nag-usap."
Ayon kay Angelica, ang matinding pagmamahal nila sa isa't isa ni Heart ang nagdulot ng lamat sa kanilang relasyon bilang magkaibigan.
Aniya, "Siguro gano'n kapag mahal mo 'yung isang tao masyado, magiging protective ka and then kapag hindi nangyayari 'yung advice mo... 'di ba maiinis ka, e? Tapos natagalan masyado 'yung space. Wala na, parang nag-mature tayo, grow apart na talaga."
Para kay Heart, "nag-iisa lang" si Angelica sa buhay niya kaya labis siyang nalungkot simula noong naputol ang kanilang komunikasyon.
Sa kabila nito, kahit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan, ibinahagi ni Angelica na proud sila sa achievements ng isa't isa. "May mga gano'n ako kahit na malayo ako sa kanya, miss ko siya. Sobrang saya siguro nito ngayon. Parang may gano'ng moments lang na parang 'di ako part ng joy na 'yun, na parang ang sarap mong i-celebrate pero parang nasa sideline ka lang, parang clapping your hands."
Parehong pinasok nina Heart at Angelica ang showbiz noong 1990s at nagkasama sa ilang palabas gaya ng G-mik! at Berks. Dahil sa kanilang pinagsamahan noong mga bata pa lang sila, nabuo ang kanilang pagkakaibigan.
Sa kabila ng kanilang tampuhan noon, sinisigurado ni Heart hindi magbabago ang pagmamahal niya para sa kanyang "Pal."
Ika niya, "Whatever it is, whatever it was, you will always be my Pal. As in there's nothing that you can't do kasi gano'n kita kamahal. Masyadong solid 'yung core memories ko sa 'yo. First love mo rin can be a sister or a friend. First love kita, sabi ko naman sa 'yo yun, e."
Ayon pa kay Heart, kinailangan niyang mag-reach out kay Angelica ngayon dahil sa pinagdaraanan niyang pagsubok.
Paliwanag niya, "I feel like it's the perfect time din kasi iba talaga nagagawa ng maturity kapag marami kang nahaharap, so you really treasure the people who are real to you."
Samantala, nanindigan din si Angelica na hindi masisira ang respeto niya kay Heart.
"Kahit na anong nangyari sa 'tin, wala akong masabing pangit about you. Do'n ako proud sa sarili ko and I would love to hear stories na, 'oh aalis na naman siya, pupunta s'ya ng ganyan.' Ako talaga, of course, talagang masaya ka lang. Masaya lang ako for you."
Mapapanood ang Heart World tuwing Sabado, 9:30 p.m. sa GMA.
Available ang episodes, highlights, at iba pang exclusive content ng Heart World sa GMANetwork.com at sa GMA Play, ang official video streaming app ng GMA.
Ipinapalabas din ang reality series worldwide via GMA Pinoy TV.
RELATED GALLERY: Heart Evangelista, Anne Curtis, and Angelica Panganiban's friendship through the years