
Isa sa pinakainiidolo sa musika ng GMA Playlist artist at proud trans woman na si Henri Gimena, o mas kilala bilang Henri G, ay ang sikat na singer na si KZ Tandingan.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ikinuwento ni Henri kung paanong naimpluwensyahan siya ni KZ sa pagiging isang mang-aawit.
"Number one, nakilala ako bilang kaboses ni KZ Tandingan sa social media," sabi ni Henri. "SInce 2012, si KZ talaga 'yung aking influence sa music kasi nga nu'ng bata pa ako 'yung mga kababata ko sa Davao City 'pag nakanta sila sobrang taas, parang sabi ko, 'Kaya ko bang abutin 'to?'
"Pero nu'ng lumabas si KZ noong 2012 sa X Factor Philippines, parang mas naengganyo ako. Nagkaroon ako ng motivation at na-inspire ako na kumanta kasi puwede pa lang ganoon ang atake sa pagkanta."
Ayon kay Henri, noon pa man ay gusto na niyang maging isang sikat at professional na singer.
"Alam mo 'yon, 'yung talagang makilala ka kahit papaano, in the near future. Tapos syempre ito 'yung kabataan ako na gustong-gusto ko talagang gawin pero may mga times na tinigil ko... pero ibinigay sa akin ni Lord na nandito ako ngayon sa Maynila at ibinigay niya itong pagkanta sa akin," dagdag ni Henri.
Noong February 20, inilabas na ang second single ni Henri G na "Hindi Ko Masabi," na tungkol sa taong hindi masabi ang totoong nararamdaman para sa nagugustuhan niya.
Mapapakinggan na ang "Hindi Ko Masabi" sa iTunes, Spotify, YouTube Music, at iba pang digital music streaming platforms worldwide.