
Hindi napigilan ni Hershey Neri ang maging emosyonal sa kanyang Instagram post matapos balikan ang madamdaming love story ng matalik na kaibigang si Kayla Rivera at asawa nitong si Miggy Jimenez sa kanilang intimate second wedding.
Binalikan ni Hershey sa naturang post ang isang pagkakataon noon sa isang coffee shop kung saan kapwa sila umiiyak ni Kayla dahil sa matinding heartbreak.
“Noong panahon na sawing-sawi ako sa pag-ibig (ang OA) kinausap ako ni Kayla habang nagiiyakan kami sa isang coffee shop,” sulat ni Hershey sa caption.
Sa gitna ng iyakan nilang dalawa noon, nag-iwan daw si Kayla ng mga salitang tumatak kay Hershey: “Hersh, I know it sucks right now, but one day, all these heartbreaks will make sense. You're being led to the person God made for you.”
“I went through so much heartbreak before but I'm grateful things didn't work out for me before—because now I have Migs,” pagpapatuloy pa ni Kayla.
“He has the kindest heart, and now I know what it feels like to be truly loved and taken care of. Believe me when I say you will be led to the right person at the right time,” dagdag pa niya.
Ayon kay Hershey, si Miggy ang naging patunay na totoo ang sinabi ni Kayla. Inilarawan niya ang pagmamahal ni Miggy sa kaibigan bilang "gentle, pure, and wholehearted."
“Fast forward to today—my soul sister is now married to the man who loves her gently, purely, and wholeheartedly,” sabi ni Hershey.
Nagbigay naman ng mensahe si Hershey sa kanyang ikinasal muli na mga kaibigang sina Kayla at Miggy.
“What an honor it is to witness your love story, @mskaylarivera and @miggy.jmz. I love you both so much. You really are perfect for each other. Proof that God truly is the author of this love story. “
Ibinahagi rin ni Hershey ang ilang “fun facts” kung bakit memorable sa kaniya ang second wedding ng kaibigan. Sinabi niyang ito ang first wedding na dinaluhan nila ng kanyang partner na si Emmanuel Liwanag, at espesyal pa ito dahil kasal pa ito ni Kayla at Miggy.
“First wedding namin ni Mahal together. Siyempre kinilig si @liwanagsadilim4200k. Extra special pa kasi kasal nina Kayla at Migs ang first namin,” sabi ni Hershey.
Isa pa sa ibinahagi niya ang una rin nilang pagsasama ng co-host sa podcast na Chicks2Go na si Ashley Rivera. Ikinuwento niya ang pagiging bahagi ni Kayla at Miggy sa pagbuo ng kanilang podcast ngayon.
“First wedding din namin ni @itsashleyrivera together! Parang mag-jowa lang e noh. Special talaga tong kasal na 'to for Chicks2Go,” pabirong sabi ni Hershey.
“Back in 2024, habang nagde-date kami ni Kayla I told her I wanted to start a podcast with a friend. So she introduced us to Migs—who believed in our pitch and ended up producing our podcast. If it weren't for Kayla and Migs, wala sanang Chicks2Go,” dagdag pa niya.
Bilang pagtatapos, masayang binati ni Hershey ang bagong kasal at pabirong binanggit: “Hay. Ang saya. Ang ganda ng love story nila. Kaiyak. At oo—masarap yung sisig sa reception.”
Sa ngayon, patuloy na namamayagpag si Hershey sa kanilang Chicks2Go podcast, kung saan ibinabahagi niya, kasama si Ashley Rivera, kung saan nagbabahagi sila ng nakakatuwang at relatable na mga kuwento ng buhay, karanasan, at pag-ibig.
Related Gallery: Ashley Rivera, Hershey Neri natupad na ang manifestations sa buhay