
Kahit mahirap, tahimik naman umano ang naging buhay ni Hilda Koronel noong manirahan siya sa Amerika.
“Medyo mahirap, pero tahimik. Mahirap ng kaunti, ikaw lahat, wala kang katulong, ikaw lahat ng trabaho. Sanay naman ako, I cook, I clean, I do everything,” pagbabahagi ni Hilda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.
Ayon pa sa aktres, may ilang dekada na siyang nagtatrabaho nang lumipat sila ng asawang si Ralph Moore Jr. sa Amerika.
“I was a bit tired already 'cause you know, like 56 years na rin ako sa industry by this year so nu'ng umalis ako, matagal na rin, ilang decades na rin ako, so my husband was saying, 'Pahinga ka na,'” sabi ni Hilda.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA INIWAN ANG SPOTLIGHT PARA MANIRAHAN ABROAD SA GALLERY NA ITO:
Ibinahagi niya rin na parehong naging madali at mahirap ang pag-alis niyang iyon. Madali dahil ibig sabihin makakapagpahinga na siya, ngunit mahirap dahil marami siyang iiwanan sa bansa.
“I was born and raised here, and some of my kids are here, my grandchildren are here, so I miss the people, and Manila will always be home for me. It's kinda hard to leave my friends, my family. Mahirap din, but you do what you have to do,” sabi ng aktres.
Sa panayam kay Hilda sa parehong GMA Afternoon Prime talk show noong 2024, inamin ng aktres na hindi naman niya na-miss ang pag-arte. Sa halip, mas hinahanap-hanap niya ang mismong bansa at mga tao, lalo na ang kaniyang mga anak at apo.
Kasabay ng kaniyang pagbabalik sa bansa ay ang pagbabalik din niya sa pelikula sa pamamagitan ng Sisa, isang Philippine historical thriller film kung saan makakasama niya si Eugene Domingo, Jennica Garcia, Tanya Gomez, Barbara Miguel, at Romnick Sarmenta.
Una itong ipinalabas sa 29th Tallinn Black Nights Film Festival sa Estonia, at magkakaroon ng Philippine release sa March 4, 2026.