
Naging emosyonal si "Hipon Girl" Herlene Budol sa script reading para sa episode ng kanyang talambuhay na tampok sa real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Si Herlene mismo ang gaganap sa kanyang sarili sa episode kaya hindi na napigilang maiyak ng aktres at komedyante nang balikan ang kanyang nakaraan at mga pagsubok na hinarap niya.
"'Pag nagbabasa po ako ng script noon, nadadala po ako. Nami-miss ko na rin po ang pamilya ko. Siyempre po, puro work work din po ngayon eh," pahayag ni Herlene.
Naging inspirasyon naman si Herlene at ang kanyang kuwento para kay Miss Universe Philippines 2016 at First Yaya star Maxine Medina.
Siya ang gaganap bilang nakakatandang kapatid ni Herlene na si Gellie.
"Good person talaga 'tong si Herlene. Noong naging part ako nitong '#MPK' ng life niya, ang dami ko ring natutunanan," bahagi ni Maxine.
Batid naman ni Gardo Versoza, na gaganap bilang tatay ni Herlene na si Ibhe sa episode, ang mga good traits ni Herlene matapos makatrabaho nito.
"Ang lakas ng sex appeal niya. Kumbaga kung sasabihin mong hipon, lobster siya," simpleng paliwanang ni Gardo.
Masaya naman si Maureen Larrazabal na makilala ang isang taong tulad ni Herlene. Si Maureen naman ang gaganap bilang nanay ni Herlene na si Len.
"Siguro kung magkakaroon ako ng isang anak na babaeng ganitong edad, gugustuhin ko na si Herlene based sa buhay na alam ko kung sino siya," aniya.
Abangan ang talambuhay ni Herlene sa "A Girl Named Hipon: The Herlene Budol Story," ngayong Sabado, March 25, 8:00 p.m. sa #MPK.
Samantala, silipin ang ilang eksena ng episode sa gallery na ito:
Panoorin din ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.