Bata sa Cebu, nangisay dahil kaka-cellphone?

Sa paglaganap ng mobile games ngayon, hindi maitatanggi na marami na ang nahuhumaling dito. Mapa bata, matanda, o celebrities ay maituturing na gamers na rin. Ngunit isang bata sa Cebu ang bigla na lang tumirik ang mata at nangisay at ang itinuturo nilang dahilan, ay ang lubos na paggamit nito ng cellphone.
Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong Linggo, March 9, ay ibinahagi ng award-winning magazine show ang kuwento ni Jeniel Entero na tumirik ang mata at nangisay habang naglalaro sa cellphone.
Kuwento ng ina ni Jeniel na si Jeylone, alas singko pa lang ng umaga ay gamit na ni Jeniel ang kaniyang cellphone para maglaro. Pagbabahagi naman ng lola ng bata na si Rosita Oliveiro, naabutan na lang niyang naglalaro ang kaniyang apo sa cellphone.
Sabi naman ni Jeniel, umaga hanggang tanghali siya naglaro at noong tumigil siya ay nakaramdam siya ng hilo.
“Noong naglalaro ako, bigla akong nahilo, biglang nawala 'yung paningin ko, kaya nahimatay ako noon,” sabi ni Jeniel.
Nang makita ni Rosita na tila nanigas na ang katawan ni Jeniel, sinubukan niya itong saklolohan, bago tuluyang mangisay nang walang tigil. Sinubukan pa nilang kausapin at padilatin ang mga mata ni Jeniel, ngunit hindi nila ito magising.
“Nagtaka ako kasi pagtingin ko sa bata tumitirik na 'yung mata. Nangitim din ang mukha. 'Yung kamay niya, sobrang nanigas. Kahit ano'ng gawin ko para gumaling 'yung kamay niya, sobrang tigas pa rin,” sabi ni Rosita.
Sabi pa nito ay sobrang kinabahan siya dahil ito ang unang pagkakataon na nangisay si Jeniel.
Dagdag pa ng tiyuhin ni Jeniel na si Jigler, “Hindi po namin alam kung ano gagawin. First time lang po kasi iyon sa aming pamilya na may ganoong pangyayari.”
Hanggang sa naisipan nilang pisil-pisilin ang katawan ni Jeniel. Ilang minuto rin ang itinagal ng nangyari kay Jeniel bago ito tuluyang bumalik sa ulirat. Saad naman ni Jeniel ay kinabahan siya sa nangyari at ipinahayag ang takot na baka di na siya gumaling.
Hinala umano ni Jigler, “Ang duda namin, baka sa palagi niyang paglalaro ng cellphone.”
Dagdag pa ni Rosita ay wala namang ganoong nangyari noong hindi pa gumagamit ng cellphone ang kaniyang apo.
Agad naman ding dinala ang bata sa doktor para ipatingin at ayon sa neurosurgeon na si Dr. Annabelle Alcarde, wala naman siyang nakitang abnormalities sa brain.
“Essentially, normal siya, except for the sinusitis,” sabi ng doktor.
Pag-amin ni Jeylone, minsan ay hindi niya namamalayan na nakukuha na pala ng anak ang kaniyang cellphone para maglaro. Aniya, umaabot ng anim na oras sa isang araw king maglaro si Jeniel.
Pinagsasabihan naman ni Jeylone ang anak pero sa huli ay hinahayaan na lang din niya ito dahil nagagalit umano si Jeniel kapag natatalo ito sa laro.
TINGNAN ANG ILAN SA PINAY CELEBRITIES NA NAGPATUNAY NA ANG GAMING AY HINDI LANG PARA SA MGA KALALAKIHAN:
Ayon kay Jigler, ilang araw matapos ang insidente ay nakikipaglaro na muli si Jeniel sa kaniyang mga kaklase.
Ngunit hindi pa rin maiwasan ni Jeylone na mag-alala para sa kaniyang anak lalo na at hindi pa rin nila nagagawa ang payo ng doktor na ipa-Magnetic Resonance Imaging o MRI si Jeniel dahil sa kakulangan sa pera.
Kaya naman, sa tulong ng Kapuso Mo, Jessica Soho ay muling dinala si Jeniel sa isang neurosurgeon para ipa-MRI.
Paglilinaw ni Doc Annabelle, “Hindi lamang dahil sa nag-ga-gadget e talagang magkaka-seizure ka. It triggers, siyempre, since sabi ko nga hindi lahat 'yan sa utak, 'pag hindi siya kumakain kunwari, na kulang siya sa sugar o nagkulang siya sa sodium, pwede rin mag-seizure 'yung mga tao.”
Dagdag pa niya ay maaaring kulang din sa tulog, dahil sa stress, kulang sa pahinga, o maaaring may ibang dahilan pa kung bakit nagsi-seizure ang isang tao.
“Kunwari nabagok, may tumor ba, may ibang abnormal na ugat sa utak. Puwede rin lahat ito mag-[cause ng] seizure,” sabi niya.
Paalala naman ng ilang mga eksperto, may negatibong epekto pa rin ang labis-labis na screen time, o paggamit ng cellphone, tablet, computer, o TV sa timbang, motor at cognitive development, at maging sa social at psychological well-being ng mga bata.
Nagpaalala din si Doc Annabelle sa mga nakakakita ng taong nagsi-seizure, “Sa mga batang nagsi-seizure or kahit adults man, 'wag nang magpa-panic 'yung mga nakakita nu'ng seizures. Give them space para 'yung oxygen, makahinga naman 'yung bata.”
Nilinaw din ni Jeylone na hindi naman niya pinapabayaan ang kaniyang anak at sa katunayan ay binabantayan naman niya ito.
Nagbigay din ng paalala si Jeniel sa mga kapwa niya young gamers, “Makinig tayo sa mama at papa natin. Huwag maging pasaway. Dahil sa nangyari, hindi na ako magse-cellphone.”
Panoorin ang segment ng episode dito:
SAMANTALA, KILALANIN ANG CELEBRITIES NA MAYROONG RARE MEDICAL HEALTH CONDITIONS SA GALLERY SA IBABA



























