
Muling bumisita ang Kapuso star at Miss Universe Philippines 2023 na si Michelle Marquez Dee sa It's Showtime ngayong Huwebes, April 18.
Ayon sa beauty queen, masaya siya na nakabalik sa noontime variety show. Aniya, “Sobrang saya po kasi alam mo sobrang tagal ko na talagang gusto mag-guest here. So sobrang nagpapasalamat ako sa lahat ng suporta n'yo.”
Kuwento pa Michelle, dumiretso siya sa It's Showtime studio matapos ang kanyang trip sa Singapore.
Tinanong naman ng host na si Jhong Hilario si Michelle kung kumusta ang kanilang date ng Cebu-based lawyer na si Oliver Moeller. Matatandaan na nag-match sina Michelle at Oliver sa “EXpecially For You” segment ng It's Showtime noong April 6.
“Ay… secret,” sagot niya.
Related gallery: Get to know Oliver Moeller, the guy who matched with Michelle Dee on It's Showtime's 'EXpecially for You'
Ayon pa Michelle, kumain sila ng Filipino dishes sa kanilang date.
Kuwento pa niya, "Alam mo, pagkain talaga ang daan sa puso ko. Kailangan masarap na Pinoy food."
Kamakailan lamang ay spotted si Oliver sa audience ng It's Showtime at kinumusta rin siya ni Vice Ganda tungkol sa naging date nila ni Michelle.
“It was good. [She's] very well spoken, she's very elegant,” sagot ni Oliver.
Tinanong din ng Unkabogable Star si Oliver kung nag-uusap pa ba sila ni Michelle matapos ang kanilang date.
“Secret,” ani ni Oliver.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado sa oras na 12 noon sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.