
Sa pagbisita ng Korean actor na si Hwang In-youp sa Pilipinas, hindi niya binigo ang kaniyang Pinoy fans!
Kagabi, June 19, sa kalagitnaan ng "BYS Fun Meet" na ginanap sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City, pinakilig ni In-youp ang kaniyang supporters sa pamamagitan ng kaniyang mga ngiti, good looks, at mga sagot na talaga namang inabangan ng marami.
Courtesy: EJ Chua
Bukod sa sit-down interview, nag-enjoy din ang crowd sa ilang activities na inihanda ng production team para mas makilala pa ng Pinoy fans ang kanilang idol.
Ilan sa mga ito ay ang pa-trivia, at mga palaro na labis na ikinatuwa ng ilang supporters dahil nagkaroon sila ng pagkakataon na magbigay at makatanggap ng mensahe kay In-youp.
Kilig na kilig din ang fans ng Korean heartthrob nang ipalabas ang ilang iconic behind the scenes mula sa Korean drama series kung saan napanood at napapanood ang aktor.
Courtesy: byscosmetics_ph (IG)
Bago ang naturang event, ilang Pinoy fans ang maagang dumating sa venue upang pumila habang dala ang ilang Hwang In-youp merchandise at props na may mukha ng kanilang idol.
Courtesy: EJ Chua
Kahapon ng umaga, isang press conference ang isinagawa sa Grand Ballroom ng Shangri-La Hotel, kung saan ilang mga katanungan mula sa media ang sinagot ni 31-year-old actor.
Courtesy: EJ Chua
Kasalukuyang napapanood si Hwang In-youp sa ongoing South Korean television series na Why Her? at pati na rin sa original Netflix series na pinamagatang The Sound of Magic.
Samantala, kilalanin ang Filipino celebrities na may kahawig na Korean stars sa gallery na ito.