
Tila magpapaiyak gabi-gabi ang cast ng I Can See You: The Promise, na sina Paolo Contis, Andrea Torres, Benjamin Alves, at Yasmien Kurdi. Payo nila sa fans ay magdala ng tissue habang nanonood nito.
Ika ni Andrea Torres na madadala ang mga manonood sa unang eksena pa lamang ng ikalawang kuwento ng GMA Telebabad drama anthology series.
“Nako, balde-baldeng luha ang iiyak ng ating mga Kapuso, hindi lang luha, sipon, uhog kaya mag-ready kayo ng tissue at twalya dahil iiyak kayo,” bitiw naman ni Paolo Contis sa GMA Entertainment Viber Community.
Dagdag naman ni Maey Bautista, malaking factor daw ang galing ng Kapuso talents na bumibida dito, kaya siguradong maluluha ang fans.
Aniya, “Alam n'yo po during the shoot, pinapanood ko po 'yung mga kasama kong artista tulad nina Paolo Contis, Andrea Torres, Yasmien Kurdi, at Benjamin Alves… naku! Napakagaling talaga. Talagang madadala kayo 'pag pinanood n'yo pa sa telebisyon.
“Meron nga pong isang eksena 'dun si Andrea na nakatatlong take pero ang galing pa rin niya! Mahuhusay po sila kaya dapat abangan n'yo po yan.”
Ang I Can See You: The Promise ay tungkol sa isang biyudong lalake [Paolo Contis] na umibig sa isang aspiring artist [Andrea Torres] na handang gawin ang lahat upang iangat ang estado ng buhay ng kanyang pamilya. Ito ay idinirehe ni Zig Dulay.
Mapapanood ito gabi-gabi mula October 5 hanggang October 9 sa GMA Telebabad.