
Sa pang-limang linggo ng I Hear Your Voice, ang desisyon ni Robert na ipaglaban si Matias sa korte ay magkakaroon ng malawakang epekto sa buhay ni Zach at Hayley.
Kahit alam niyang ikasasama ng loob ni Hayley, pinili ni Robert na maging abogado ni Matias Min. Sa paunang pagdinig sa kaso, not guilty pa ang plea na ipinasok nito, na lalong ikinasama ng loob ni Hayley. Ngunit kahit sa harap ng mga pakiusap ni Hayley, nanindigan si Robert na dedepensahan niya si Matias.
Dahil sa napipintong pagkapanalo sa kaso ni Matias, hinarap ni Hayley si Doreen upang pakiusapan ito na gawin ang lahat ng makakaya nito, kasama na ang paggamit ng pekeng ebidensya, upang makulong si Matias. Labag man sa kaniyang kalooban at kahit lunukin pa niya ang kaniyang pride, handa si Hayley na gawin ang kung anong gusto ni Doreen para lang makulong si Matias.
Dahil sa kasong inilatag ni Robert at sa pag-kwestyon niya sa mga pangyayaring nakapalibot sa pagkamatay ng nanay ni Hayley, napawalang-sala si Matias. Gayunpaman, nais pa rin ni Robert na manatili silang magkaibigan ni Hayley, bagay na hindi maibigay ng huli.
Dahil sa nangyari ay muling binalikan ni Robert ang case files ng kaso ni Matias ng patayin nito ang ama ni Zach, lalo na at binalaan siya ng huli na bantayan si Hayley kapag nakalaya na si Matias. Lalong nangamba si Robert ng makita niya ang pagbabanta ni Matias kay Hayley sa case files nito. Si Hayley naman ay hinahanap-hanap na si Zach sa buhay niya ngayong umalis na ang binata.
Muli na namang nagharap si Zach at si Matias. Nang malamangan na ni Zach si Matias sa labanan ay nagkaroon ito ng pagkakataon na patayin ito, ngunit namagitan si Hayley sa dalawa, na nag-resulta sa kaniyang pagkasaksak. Ang pagdating lamang ni Robert ang tumigil sa mas malaking sakuna na mangyari.
Buhay ngunit delikado ang kalagayan ni Hayley pagkatapos nitong masaksak. Nang nagising na si Hayley, wala na si Zach, at kahit sinong kausapin ay hindi alam kung nasaan ang binata. Hindi na rin makita si Matias, at dinagdagan na ang mga pulis na nagbabantay kay Hayley. Dahil sa guilt na nararamdaman, bumitaw na sa pagiging public defender si Robert.
Natagpuan na muli ni Hayley si Zach, ngunit may amnesia na ang binata at hindi matandaan kung sino ba siya. Malaking problema ito sapagkat pinaghihinalaan siya ng pulis bilang mamamatay-tao, na siya namang itinatanggi ni Hayley. Handa si Hayley na ipaglaban si Zach ngayong muli silang nagkita.
Hindi lamang si Zach ang nagbalik sa buhay ni Hayley. Kahit si Robert ay nagbalik na sa kaniyang buhay, at nais nitong tulungan siya upang depensahan si Zach sa korte. Ano man ang namagitan sila sa nakaraan, handa ang dalawa na patunayan na inosente si Zach.
Patuloy na subaybayan ang I Hear Your Voice, Lunes hanggang Huwebes, 11:30 p.m., sa GMA.