
Inamin ng singer na si Ice Seguerra na nakakaranas pa rin siya ng diskriminasyon hanggang ngayon mula sa mga taong kumukuwestiyon sa kaniyang pagiging stepfather sa anak ng kaniyang asawa na si Liza Diño-Seguerra.
Sa Fast Talk with Boy Abunda, game na sumalang sa isang panayam si Ice at Drag Race Philippines graduates na sina Viñas De Luxe at Eva Le Queen kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda.
Kuwento ni Ice kay Boy, nalungkot siya nitong nagdaang Father's Day dahil sa mga hindi magagandang komento ng mga tao tungkol sa pagiging mag-ama nila ng kaniyang stepdaughter na si Amara.
Aniya, “My daughter Amara, greeted me a Happy Father's Day and I was so moved by what she wrote. Ako naman when I post things I don't normally look at the comments it was actually her, sabi niya, 'Dad can I call?'”
Paglalahad pa ni Ice, “My daughter, personal talaga siya. Ayaw niyang naiistorbo 'yung privacy namin. She has to say lang na parang, naiinis siya because of the comments sa post ko. Nakikita niya that people are invalidating our relationship as dad and daughter.”
Ayon kay Ice, naiinis siya dahil sa mga tao na hanggang ngayon ay nakataas pa rin ang kilay sa klase ng relasyon nilang mag-ama.
“I hate that. They're saying that we don't have a relationship. Who are they to question what we have?
“Na-feel bad ako for my daughter. Bakit n'yo kinukuwestiyon kung anong pagtingin sa akin ng bata? E ito ako sa kaniya e, 'yun ang tingin niya sa akin e. Ito 'yung relasyon namin e,” ani Ice.
Dagdag pa niya, “Some people will always say na, 'O, paano ka naging tatay wala ka namang alam mo 'yun whatever it is between your legs,.' But no, this person sees me as her dad, as a person who helped her mom mold her to become the person she is now.”
Taong 2014 nang ikasal sina Ice at Liza. Mahigit 10 taon na silang nagsasama.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.