
Isang treat para sa telefantasya fans ang hatid ng digital channel na I Heart Movies ngayong linggo.
Mapapanood kasi ang box-office hit film na Mulawin: The Movie.
Ito ang pagpapatuloy ng kuwento ng iconic GMA telefantasya na Mulawin na ipinalabas sa telebisyon.
Sa pelikula, naghahanda na para sa tahimik na buhay sina Aguiluz (Richard Gutierrez) at Alwina (Angel Locsin) nang abutan ng malakas na bagyo ang sinasakyan nilang bangka.
Magkakahiwalay sina Aguiluz at Alwina at mawawala pa ang kanilang mga alaala.
Samantala, bubuhayin ni Sang'gre Pirena (Sunshine Dizon) si Haring Ravenum kaya manganganib muli ang mga Mulawin.
Paano sila lalaban ngayong nawawala ang mga pinakamagigiting nilang mandirigma na sina Aguiluz at Alwina?
Official entry din ang Mulawin: The Movie sa 2005 Metro Manila Film Festival.
Abangan ang Mulawin: The Movie, December 7, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Para naman sa mahilig sa family drama films, nariyan ang Above the Clouds.
Tampok sa pelikula si primetime action hero Ruru Madrid kasama ang Pinoy rock icon na si Pepe Smith.
Si Ruru ay si Andy, isang lalaki na naulila noong bagyong Ondoy. Dahil wala nang mga magulang, titira siya sa poder ng kanyang lolo na ginagampanan naman ni Pepe.
Hindi close ang dalawa kaya susubukan nilang mag-bonding para makalimutan ang pait ng pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagha-hike sa bundok.
Abangan ang Above the Clouds, December 4, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.