GMA Logo Imelda Papin sings Iisang Dagat
What's Hot

Imelda Papin, umalma sa akusasyong traydor dahil sa "Iisang Dagat": "Mali naman siguro yung word na yun"

By Nherz Almo
Published April 27, 2020 12:09 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Kapuso, Sparkle stars set to bring romance, laughs, chills at MMFF starting Dec. 25
Bacolod hospital detects infection, reduces bed capacity
Charlotte Austin celebrates birthday with fans and loved ones

Article Inside Page


Showbiz News

Imelda Papin sings Iisang Dagat


"Hindi naman pwedeng magtraydor ang Imelda Papin sa bansang Pilipinas. Hello!"

"Wala talaga sa isip ko yun. Wala talaga, God knows talaga..."

Ito ang mariing pahayag ng OPM icon at kasalukuyang vice governor ng Camarines Sur na si Imelda Papin tungkol sa kontrobersyal na kantang "Iisang Dagat."

Ang kantang "Iisang Dagat" ay isinulat ng Chinese Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian.

Sa panayam ng Dobol A sa Dobol B kaninang umaga, April 27, sinabi ni Imelda na ang opisina ni Ambassador Xilian ang nakipag-ugnayan sa kanya upang maging bahagi ng kanta at ng music video na "Iisang Dagat," na umano'y iniaalay sa frontliners ng Pilipinas at China.

Ang tema ng kanta ang nakapagkumbinsi kay Imelda na maging bahagi nito dahil, aniya, "Maganda naman yung lyrics. It's all about tulungan sa panahong ito, pagkakaisa sa pagtulong, ganyan, parang sabay-sabay, hawak-kamay para sa magandang kinabukasan. Yun ang mga lyrics.

"It's all about ano, e, pagmamahalan sa isa't isa dahil ito raw ay intended sa panahon na ito ngayon, sa paglaban sa ating kinahaharap na problema, na kalaban na di natin nakikita, which is COVID-19."

Simula nang i-release ito sa pamamagitan ng YouTube noong April 24, umani na ng maraming batikos ang kanta dahil sa diumano'y tila pagiging isang propaganda nito.

Matatandaan na noong nakaraang linggo lamang ay nag-file ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa umano'y paglabag ng huli sa international law at Philippine sovereignty sa West Philippine Sea.


Depensa naman ni Imelda, "Hindi ako aware doon kasi noong in-offer sa akin, noong pinadala sa akin noong araw na 'yon, ni-record ko the following day kaagad.

"Kasi, ang gusto nila ay ihabol doon sa [Chinese] medical team, sa mga doctors na pumunta rito, parang regalo nila. Yun ang pinaka-main purpose doon, na ireregalo, ihahabol yung song na 'yon."

Kung sakali raw na nalaman niya agad ang tungkol dito, "Siyempre, mag-iisip ako ng dalawang beses. Pero ang pasok kasi sa akin, it's all about dito sa COVID-19, na dapat magkatulungan."

Giit pa ng CamSur governor tungkol sa pagiging bahagi niya sa "Iisang Dagat," "Walang malisya at all! Maganda ang intensiyon ko kasi ang advocacy ko, di ba, is pagkakaisa. In politics, lahat, puro pagkakaisa.

"Siyempre, nagbibigay ako ng inspirasyon sa pamamagitan ng boses ko.

"So sabi ko, kung ako ay isa sa impluwensiya na makapagbigay naman ng inspirasyon sa mga frontliner, ng lakas ng loob, bakit hindi? Doon ako naka-focus."

Pag-uulit pa niya, "To be honest, hindi ko alam kung iyon ay propaganda nila. Dahil sa akin, good intention yung sa akin. Ang naiisip ko lang naman ay yung word na magtulungan tayong lahat sa panahon ngayon."


Sa palagay ni Imelda, nabigyan lamang ng ibang interpretasyon ang kanta.

Aniya, "Alam n'yo po, gusto kong ipaalam doon po sa interpretasyon na hindi naman sang-ayon doon sa letra at sa intensiyon na maganda, na pagkakaisa, pagmamahalan...

"Sana maintindihan po ninyo ang aking intensiyon dahil ever since naman po ang Imelda Papin ay nagbibigay po ng karangalan sa bawat PIlipino.

"Nagpupunta ako sa ibang bansa, dinadala ko ang ibang bansa. Itinataas ko naman ang pangalan ng ating bansa sa pamamagitan ng musika."


Bagamat inuulan ngayon ng batikos, hindi raw ito nababasa ni Imelda, "Hindi ko na binabasa 'yon, e. Pinaparating na lang sa akin yung mga nababasa ng follower ko, ganyan-ganyan. They know naman ang intention ko and I'm honest about it."

Umalma din ang batikang singer sa akusasyong "traydor" siya sa bansang Pilipinas.

Diin niya, "Hindi naman pwedeng magtraydor ang Imelda Papin sa bansang Pilipinas. Hello!

"Mali naman siguro yung word na yun dahil, sabi ko nga, ever since nagbibigay naman ako ng karangalan at magandang imahe sa ating bansa.

"Nagkataon lang na ako ang pinili, inalok sa akin, pinakiusapan. Hindi ako nagpresenta, hindi ako binayaran.

"Ang intensiyon nila ay sabay-sabay sa pagpuksa nito para matapos na itong COVID-19, bumalik na sa normal na buhay.

"Yung akin, parang magandang maging instrumento rin ako para magbigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng boses ko."


Sa huli, sabi pa niya, "Siyempre, Pilipino ako, ang aking katapatan ay nasa aking bansa. Dito ako pinanganak, tunay akong Pilipino, hanggang sa huli mananatili akong Pilipino. Siyempre, kapag naaapi ang ating bansa, makikipaglaban ako, di ba?"

Imelda Papin's daughter defends her from "Iisang Dagat" bashers