
Labing-apat na taon na ang nakalilipas nang yumao ang batikang aktor na si Johnny Delgado pero buhay pa rin ang kanyang alaala sa kanyang pamilya, gaya ng kanyang anak na si Ina Feleo at mga malalapit sa kanya sa industriya.
Kuwento ni Ina, malinaw rin maging sa kanyang Rewind co-star at beteranang aktres na si Coney Reyes ang alaala ng kanyang ama na nakasama nito sa dati nitong palabas.
Bahagi ng Love. Die. Repeat. actress sa kanyang Instagram post noong Linggo, November 19, "Yesterday I was in the shoot of #Rewind and tita @coneyreyes was sharing with me her very fond memories of daddy and one of her favorite episodes of 'Coney Reyes on Camera' with daddy as her leading man. Tito Lito was also chiming in with fond memories of 'Juanito.'”
"I almost forgot that today is actually 14 years since Daddy left us pero buong buo parin ang alaala niya sa mga taong nakasama niya. I love you Daddy! We miss you… Nov 19, 2009," dagdag pa niya.
Kalakip ng post ni Ina ang screenshot mula sa isang eksena ni Johnny sa dating weekly drama anthology na Coney Reyes on Camera na umere mula 1984 hanggang 1998.
Kasama nito ang dalawang litrato ng pagbisita ni Ina sa puntod ng kanyang ama sa Loyola Memorial Park sa Marikina.
Nagbigay-pugay rin ang nakatatandang kapatid ni Ina na si Ana Feleo sa kanilang ama sa death anniversary nito.
"Remembering my father, Juan Feleo, also known as Johnny Delgado on his 14th Death Anniversary.
"I miss, need and love you, Dad," sulat ni Ana sa kanyang Instagram post.
Pumanaw si Johnny noong November 19, 2009 sanhi ng lymphoma o cancer of the immune system.
BALIKAN ANG ALAALA NG IBA PANG ARTISTANG PUMANAW DAHIL SA CANCER.