
Nagpahayag na ng kaniyang saloobin si Christine Laparan Policarpio, ang ina ng influencer na si Sachzna Laparan, hinggil sa isyung ibinabato sa kaniyang anak ng dating aktres at ngayo'y board member na si Angelica Jones.
Ito ay kaugnay ng umano'y hindi pagpapaalam ng influencer sa paggamit ng kanta ng dating aktres na Miss Flawless.
Sa isang episode ng podcast na Your Honor, nabuksan ng dating aktres ang kaniyang saloobin tungkol sa hindi raw pagpapaalam ng influencer sa kaniya para sa pag-revive ng kanta.
Nilinaw naman ni Angelica sa programang Fast Talk with Boy Abunda na bagama't nagpaalam si Sachzna sa composer na si Lito Camo, sinabihan umano ng composer ang team ng influencer na magpaalam din sa kaniya, bagay na hindi raw ginawa ng kampo ni Sachzna.
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang ina ni Sachzna na si Christine at nagpaabot ng mensahe para kay Angelica.
“Para kay Ms. Angelica Jones, Magandang araw po. Nais lang po namin magbigay ng maayos na paglilinaw hinggil sa mga lumalabas na usapin na 'hindi raw po ipinaalam' sa inyo ang paggawa ng bagong version at music video ng Miss Flawless,” sulat ni Christine.
Ayon sa ina ni Sachzna, dumaan sila sa tamang proseso bago isagawa ang pag-revive sa naturang kanta.
“Gusto po namin linawin na buo ang aming respeto sa inyo at sa orihinal na awitin, kaya po bago pa man ito isagawa ay sumunod kami sa tamang proseso,” aniya.
Inilahad din niya ang naging proseso ng kabilang kampo sa paghingi ng permiso.
Ang mismong direktor umano nila ang personal na nakipag-usap kay Angelica upang ipaalam ang proyekto at alukin pa itong maging bahagi ng music video, ngunit tinanggihan ito ng dating aktres.
“Naunawaan naman po namin noong sinabi ninyong hindi na po kayo pwede dahil nasa larangan na kayo ng politika at hindi na po angkop ang pag-sayaw,” pahayag ni Christine.
Binigyang-diin niya na lumapit din sila kay Lito Camo bilang paggalang sa nagsulat ng kanta at ipinaalam na chorus part lamang ang gagamitin at babaguhin ang iba pang lyrics.
“Dalawang beses din po naming personal na pinuntahan at kinausap ang songwriter at composer na si Sir Lito Camo,” dagdag pa niya.
Matapang ding iginiit ni Christine na mayroon silang hawak na ebidensya ng mga naging pagpapaalam: “May mga komunikasyon at ebidensya naman po kaming hawak na nagpapatunay na nagkausap po nang maayos ang magkabilang panig.”
Tinapos ni Christine ang kaniyang pahayag sa isang panawagan para sa pagkakaunawaan.
“Sana po ay maging malinaw na ito sa lahat upang maiwasan na ang hindi pagkakaunawaan. Maraming salamat po at nananatili ang aming paggalang sa inyo,” aniya.
Sa comments section ng naturang post, naging emosyonal din ang ina ni Sachzna at nilinaw na wala silang kinita sa nasabing revival dahil hindi ito nakaupload sa mga personal na streaming platforms ng kaniyang anak.
“WALA PO KAMING KINITA SA MISS FLAWLESS NA YAN HINDI PO SA SPOTIFY NG ANAK KO YAN KUNG NAKIKITA NYO AT HINDI DIN SA YOUTUBE NG ANAK KO YAN. SOBRANG MARAMING TUMULONG LANG SA AMIN AT MGA TAO D'YAN IS FOR THE LOVE LANG! KAYA LUBOS PO KAMING NAGPAPASALAMAT NA NAGTIWALA KAY Sachzna Laparan,” giit ni Christine.
Si Angelica Jones ang orihinal na nagpasikat ng kantang "Miss Flawless" na isinulat ni Lito Camo noong 2003. Noong 2019, muli itong inilabas ni Sachzna kasama ang mga Filipino rappers na sina Flow G at Bosx1ne.
Related Gallery: Angelica Jones on issue with Sachzna Laparan: 'I accept the apology kung magso-sorry'