
Tampok si Ina Raymundo sa kontrobersyal na episode na mapapanood ngayong Sabado sa real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Gaganap si Ina dito bilang Stacy, isang babaeng iibig sa biyudong si Jonard, na gagampanan naman ni Joko Diaz.
Hindi magiging tapat sa kanya si Jonard kaya mapapalapit siya sa bunsong anak nitong si Junell, role naman ni Jeric Gonzales.
Kalaunan, magkakaroon ng bawal na relasyon sina Stacy at Junell.
Bukod dito, matagal nang hindi maganda ang ugnayan ng mag-amang Jonard at Junell. Sinisisi kasi ni Jonard ang anak sa pagkamatay ng una niyang asawa.
Lalo pa bang masisira ang relasyon ng mag-ama? Ano ang kahihinatnan ng kakaibang love triangle na ito?
Huwag palampasin ang kontrobersiyal na episode na pinamagatang "Anak ni Mister, Kabit ni Misis" ngayong Sabado, June 27, 8:00 pm sa #MPK.