
Salamat sa pagtangkilik sa programang 'Ilaban Natin 'Yan', mga Kapuso! Muli na namang nagwagi sa ratings ang programa ni Vicky Morales noong March 14, kung saan tampok ang istoryang pinamagatang 'Inahas', na tungkol sa isang propesor na nahuling may karelasyon na estudyante.
At ngayong darating na Sabado, March 21, isa namang kaabang-abang na episode ang hatid ng 'Ilaban Natin 'Yan'. Ang bagong istoryang tampok ay pinamagatang 'Nilapastangan'.
Ang 'Nilapastangan' episode ay tungkol sa isang binatang nagngangalang Justin na gagampanan ni Kapuso actor Paul Salas.
Nangangarap si Justin na maging isang sikat na artista at makikilala niya ang talent manager na si Marco, na gagampanan naman ni Carlos Agassi.
Aakalain ni Justin na si Marco na ang susi para makamit niya ang kanyang mga pangarap. Ngunit, mauuwi sa isang bangungot ang lahat nang pagsamantalahan ni Marco si Justin. At bukod pa roon, ibubugaw rin siya nito sa iba pang talent manager.
Kabilang din sa mga gaganap sa re-enactment sina Sue Prado, Angela Alarcon, JP Gorrens, at Mystica.
Paano kaya matatapos ang bangungot na ito sa buhay ni Justin? At sa pagdulog niya sa Ate ng Bayan na si Vicky Morales, humarap kaya sa kanya si Marco?
Abangan ang 'Nilapastangan' episode ngayong Sabado sa 'Ilaban Natin 'Yan', alas-kwatro ng hapon, pagkatapos ng Tadhana sa GMA-7.