
Ngayong buwan ng Agosto, muling maghahatid ang GMA Heart of Asia ng isang matindi, kapanapanabik, at puno ng emosyong kuwento ng pag-ibig at paghihiganti mula sa Thailand!
Mga Kapuso, maghanda na sa pinakabagong must-watch offering na mula sa “Home of Asia's Best Dramas,” ang hit Thai lakorn na 'Innocent Lies.'
Umiikot ang kuwento sa buhay ni Carmela (Pupe Kessarin Noiphueng), isang babaeng napilitang pumasok sa isang delikadong kasunduan para lamang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang maysakit na ina.
Dahil sa matinding pangangailangan, nakipagkasundo siya kay Olivia (Preaw Tussaneeya Karnsomnut), ang asawa ni Gun (Mik Thongraya) na may-ari ng isang sikat na resort.
Gagamitin ni Olivia si Carmela upang nakawin ang mahahalagang dokumento mula kay Gun para maangkin nito ang resort habang tinatapos nila ang kanilang divorce settlement.
Ngunit sa gitna ng mga patibong, pagpapanggap, at mga kasinungalingan, hindi inaasahang maiipit ang dalawa sa isang matinding pag-ibig na babago sa kanilang mga buhay.
Minsan sa buhay, matatagpuan natin ang tunay na pag-ibig sa oras, lugar, at taong hindi natin inaasahan. Sa pagtatagpo ng kanilang mga landas sa kabila ng panlilinlang, matutuhan kaya nilang magtiwala muli kapag lumabas na ang katotohanan?
Kaya ngayong August, inaanyayahan kayo ng GMA Heart of Asia na tunghayan ang kuwentong susubok sa hangganan ng pagpapatawad at pagtitiwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.
Abangan ang premiere ng 'Innocent Lies,' ngayong August 10, Lunes, 9 a.m. sa GMA!