
Itinuturing man ng ilang Pinoy pageant fans na mahigpit na kalaban ni Rabiya Mateo si Miss Thailand Amanda Obdam sa katatapos lang na Miss Universe pageant pero, sa katunayan, suportada nila ang isa't isa.
Nagtapos ang Miss Universe journey ni Rabiya bilang top 21 finalist, samantalang nakapasok naman sa top 10 si Amanda. Si Miss Mexico Andrea Meza ang kinoronahang Miss Universe 2020.
Sa isang larawan na kumakalat ngayon sa social media, makikitang magkahawak pa ang kamay ng pambato ng Pilipinas at ng Thailand.
Suot ni Rabiya ang dapat finals gown niya na isang orange Sarimanok-inspired gown na dinisenyo ng Dubai-based Filipino fashion designer na si Furne One.
Samantalang kulay asul naman na gown na inspired sa Andaman Sea ang inirampa ni Amanda sa Top 10 na gawa ng Oat Couture.
Hindi naman ito nakaligtas sa malilikot na isip ng netizens at inihalintulad pa ang kanilang mga kasuotan sa iconic fantasy characters ng GMA na Super Twins na ginampanan nina Jennylyn Mercado at Nadine Samonte.
Ayon sa Facebook uploader na si Min Chimonac, "Miss Rabiya and Miss Amanda giving us Super Twins realnesssss!!!"
Biro pa ng nagngangalang Peng Tolentino, "Ah sila pala talaga 'yon."
Nakarating naman ang nakakatuwang post kay Jennylyn at ishinare pa sa kanyang Instagram Stories.
"Biruin mo nakilala mo pa kami," hirit ng Ultimate Star.