GMA Logo Emmanuel at Coney Estrella
What's Hot

Isang lalaki, sinubukang sagipin ang buhay ng misis na nalunod sa baha

By Kristian Eric Javier
Published November 9, 2025 1:47 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Amihan to bring cloudy skies, light rains over PH
Purple Hearts Foundation brings joy via year-end gift-giving outreach
Davao police say boy’s injury not caused by firecrackers

Article Inside Page


Showbiz News

Emmanuel at Coney Estrella


Isang milagro ang hiling ng lalaking pilit isinasalba ang nalunod na asawa. Alamin ang kanilang kuwento rito.

Bago pa dumating ang Bagyong Uwan, nag-iwan muna ng pinsala at hinagpis ang Bagyong Tino sa mga nasalanta at namatayan sa Central Visayas. Kabilang na rito ang isang lalaki na pilit isinalba ang asawang nalunod sa baha sa kasagsagan ng bagyo sa Liloan, Cebu.

Sa paghagupit ng Bagyong Tino sa Liloan, Cebu, marami sa mga residente ang napilitan na lumikas o kaya ay umakyat sa kani-kanilang mga bubong para makaligtas sa rumaragasang baha at mabilis na pagtaas ng tubig.

Ngunit hindi lahat ay nakatakas mula sa baha, kabilang na ang asawa ni Emmanuel Estrera na si Coney. Viral ngayon ang nakakaantig na tagpo kung saan makikita si Emmanuel sa bubong ng kanilang bahay na pilit isinasalba ang buhay ng asawa.

Sa report ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong November 8, nag-aakyat na umano sila Emmanuel ng gamit sa taas ng kanilang bahay dahil pinasok na sila ng baha. Ngunit si Coney, binalikan pa raw ang nilulutong almusal sa kusina.

Mabilis na rumagasa ang tubig at tumaas ang baha sa kanila kaya si Emmanuel, itinaas kaagad ang kanilang dalawang anak sa bubong, habang naiwan naman si Coney.

"Ang sabi ko na lang sa kaniya, dapat makaabot siya sa kisame para maabot niya iyong yero namin para mapukpok niya, para may makaalam na may tao sa ilalim," pagbabahagi ni Emmanuel.

Pag-akyat ng bubong ay humingi na ng saklolo si Emmanuel para mailigtas ang asawa. Ayon pa sa kapitbahay nila, naririnig na ang kalabog sa bubong ng bahay nila Coney, at ang mga sigaw nito na humihingi ng tulong. Ngunit ayon din sa kanila, mahirap baklasin ang bubong.

"Nag-dive ako, mga tatlong bese para makita ko si misis. Tapos noong nakita ko na siya, [hinila] na namin pataas," saad ni Emmanuel.

At dahil wala na siyang lakas para mag-CPR o cardiopulmonary resuscitation, nagpatulong na siya sa kung sino ang marunong, at isang kapitbahay ang nagprisinta.

Ngunit ayon kay Emmanuel, "Sinabihan niya na ako na wala na talaga, wala nang pulso. So, hindi ako pumayag na wala na. Kasi may milagro naman e. Ako na lang doon hanggang nag-CPR, nag-CPR hanggang maghapon."

BALIKAN ANG PAGSASAMA NG ILANG CELEBRITIES SA RELIEF OPERATIONS NOONG NAGDAANG BAGYO SA GALLERY NA ITO:

Masakit man ay tinanggap na lang ni Emmanuel na wala na ang asawa. Noong ma-rescue sila ay pinilit pa niyang madala si Coney sa ospital, ngunit sunod na niya itong nakita sa punerarya.

"Hindi! May milagro naman e. Kung hindi naman sila naniniwala sa milagro, ako naniniwala. Hindi ako aalis sa asawa ko kung hindi sila nagpaasa," sabi ni Emmanuel.

Nayon ay nakikituloy pansamanatala ang kanilang dalawang anak sa mga kamag-anak. Naka-burol naman si Coney, ang kaniyang high school sweetheart, na kasama niyang binuo ang kanilang bahay at pamilya. At para sa kaniya, ay wala nang kapalit.

"Ikaw lang ang nag-iisa. Sabi ko, ikaw na ang simula at katapusan. Lahat ng mga pangarap natin, bubuuin natin kasama iyong mga bata. I-guide mo lang kami," sabi ni Emmanuel.

Panoorin ang kwento nina Emmanuel at Coney dito: