
Award-winning Cinemalaya films ang tampok ngayong linggo sa digital channel na I Heart Movies.
Kabilang diyan ang Isda mula sa direktor na si Adolf Alix Jr. at pinagbidahan ng mga batikang aktor na sina Cherry Pie Picache at Bembol Roco.
Base ito sa maikling kuwentong "Isda" ni Jerry Gracio na siya ring nagsilbing screenwriter ng pelikula.
Tungkol ito sa mag-asawang nangangalakal ng basura sa isang dumpsite at mabibiyayaan ng anak matapos ang maraming taon na paghahangad nito.
Pero hindi bata ang mailuluwal sa kanila kundi isang isda.
Nakamit ng pelikula ang award para sa Best Editing sa 7th Cinemalaya Independent Film Festival noong 2011. Hinirang din si Bembol Roco bilang Best Actor para sa kanyang pagganap sa pelikula.
Abangan ang Isda, July 20, 10:20 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Huwag din palampasin ang family drama film na Bisperas, starring Tirso Cruz III, Raquel Villavicencio, Julia Clarete at marami pang iba.
Iikot ang kuwento nito sa isang pamilya na malolooban at mananakawan ang bahay sa bisperas ng Pasko.
Hinirang ito bilang Best Film sa 7th Cinemalaya Independent Film Festival noong 2011. Nabingwit din nito ang Best Cinematography at Best Production Design.
Pinarangalan naman si Raquel Villavicencio bilang Best Actress at si Julia Clarete bilang Best Supporting Actress matapos ang kanilang pagganap sa pelikula.
Tunghayan ang Bisperas, July 21, 9:35 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.