
Ipinagdiwang ni Isko Moreno ang kanyang unang anibersaryo bilang alkalde ng Maynila noong Martes, June 30.
Idinaan ni Mayor Isko sa isang Facebook post ang kanyang pasasalamat sa mga tagasuporta at idiniin na sisikapin niya na “maglingkod ng tapat, maayos, at mainam.”
Wika ng Alkalde, “Maraming salamat po mga kababayan kong Manileño para sa pagkakataon na paglingkuran kayo bilang inyong Alkalde ng lungsod na ating minamahal.
“Umasa po kayo na sa maliit kong kaparaanan na sisikapin ko po na maglingkod ng tapat, maayos at mainam.”
Aniya marami pang mga proyekto ang dapat ipatupad simula noong nanungkulan siya sa siyudad at makakamit niya lamang ito sa tulong ng taong bayan.
“Marami po tayong kailangan ayusin sa ating lungsod, kaya buong kababaang loob po akong nakikiusap na tulungan niyo po ako sapagkat malaki po ang hamon ng panahon ngayon.
“Hindi ko po ito kakayanin nang mag-isa lamang. Kakailanganin ko po ang kooperasyon ng lahat.
“Sama-sama po natin hangarin, pangarapin at gawin na muling kaigaigaya, maaliwalas, malinis, payapa at maunlad ang Maynila para po sa ating mga anak, mga salinlahi, at sa susunod na henerasyon ng Batang Maynila.”
Pagtapos ni Isko, “Muli, taos-puso po akong nagpapasalamat sa bawat sa sa inyo. Walang magmamalasakit sa ating mga Batang Maynila kundi tayo ring mga kapwa Batang Maynila.”
“Pagpalain nawa tayo ng Panginoong Diyos. Manila, God First! #BagongMaynila”
Nanumpa si Isko Moreno noong June 30, 2019, bilang ika-27 Alkalde ng Maynila sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall.
Nanalo si Moreno laban kay Joseph Estrada ng mahigit 150,000 votes.
IN PHOTOS: Isko Moreno's equally handsome son, Joaquin Domagoso