
Ipinagdiriwang ng noontime variety show na It's Showtime ang kanilang 16th anniversary ngayong Biyernes, October 24.
Sa episode ng nasabing programa, masayang binati ng hosts ang Madlang People sa espesyal na milestone na ito. Inihambing naman ng host na si Vhong Navarro ang It's Showtime sa fine wine.
“Ano ang Showtime e, parang 'yan wine. Habang tumagal 'yan, mas sumasarap. Tapos marami tayong natututunan at mas lalo pa nating pinagbubutihan. Alam n'yo kung bakit? Kasi patuloy tayo minamahal ng Madlang People,” anang actor-host.
Tinanong din ni Darren Espanto ang ilang OG It's Showtime hosts kung ano ang anniversary gift nila sa programa.
“Pampahaba ng buhay. Kailangan para maging healthy tayo para dire-diretso tayo makapagpasaya ng Madlang People,” ani Jugs Jugueta.
Dagdag naman ni Vhong, “Gusto ko lang 'yung patuloy silang hindi bibitaw sa atin, na magkasama tayo hanggang saan man tayo abutin.”
Samantala, nagsalita ang Unkabogable Star na si Vice Ganda tungkol sa inaabangang "Magpasikat". Ayon sa seasoned host at comedian, may masaya at mas makabuluhang selebrasyon na gagawin sa Disyembre para sa 16th anniversary ng It's Showtime.
"Inuusog lang po namin 'yung panahon lang para makapag-ipon-ipon kami," ani Vice Ganda.
Dagdag pa niya, "Ide-delay lang po natin nang kaunti 'yung isang malaking selebrasyon pero hindi lalampas ang taon na ito nang wala tayong ipagdiriwang. Pagdating po ng Disyembre, meron kaming inilaan na isang malaking pagdiriwang na hindi lang ito kaaaliwan, hindi lang po for entertainment.
"Sa panahon pong ito. hindi lang basta entertainment ang ibinibigay ng Showtime. Kung napapansin ninyo, we are trying to educate people. We are trying to be the voice of the people. Sinusubukan naming maging boses ng mga masa, sinusubukan naming maipakita ang katotohanan ng buhay sa Pilipinas. At ang realidad sa Pilipinas, ang dami nating kababayan na nangangailangan ng tulong."
Matapos ito, nangako si Vice Ganda na mas marami at mas malaki ang mga matutulungan ng It's Showtime, at mas makabuluhan ang magiging selebrasyon ng kanilang anniversary sa pamamagitan ng engrandeng "Laro Laro Pick" for one week.
"So entertaining at maraming buhay ang mababago natin ng mga Kapamilya at Kapusong Pilipino," pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, "Sa pagse-celebrate natin, hindi lang tayo magpapatawa, magsasayaw, magbibibitin, gagastos ng pera. We will try to help our Madlang People to build and rebuild their lives."
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
SAMANTALA, TINGNAN ANG GMA GALA 2025 LOOKS NG 'IT'S SHOWTIME' HOSTS SA GALLERY NA ITO.