
Nagpahayag ng pagmamahal at suporta ang It's Showtime hosts sa kasamahan nilang si Anne Curtis sa episode ng It's Showtime ngayong Huwebes (March 5).
Sa "Laro Laro Pick" segment, napag-usapan ng hosts na sina Jhong Hilario, Jackie Gonzaga, at Vhong Navarro ang naging jackpot question kahapon tungkol sa popular na tawag sa Republic Act No. 11313, ang Bawal Bastos Law o Safe Spaces Act.
Matatandaan na hindi ito nasagot nang tama ng contestant na si Buboy kung kaya't hindi niya naiuwi ang jackpot prize.
Bago pormal na nagsimula ang laro, inihayag ng hosts ang kanilang suporta para kay Anne.
"Hi, Anne Curtis! We love you, we miss you!" ani Jhong.
Dagdag ni Jackie,"Ate Anne, we love you so much!"
"Hi, Anne! We love you and we support you," patuloy ni Vhong.
Kamakailan lamang, matatandaan na umani ng atensyon sa publiko ang sinabi ng Quezon City 4th District Representative na si Bong Suntay matapos niyang ibahagi na umano'y nakita niya ang Fil-Australian star sa isang mall at sinabing iniisip lamang niya kung ano ang maaaring mangyari.
Sinabi ito ni Rep. Bong sa naganap na pagdinig ng House Committee on Justice, kaugnay ng third impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, noong Martes (March 3).
Sa panayam naman ni Raffy Tima kay Rep. Bong para sa Balitanghali noong March 4, sinabi ni Rep. Bong na maling konteksto ang na-interpret sa kanyang mga pahayag, ngunit humingi ito ng paumanhin sa mga nasaktan.
Aniya, "That analogy, the statement was not meant to be malicious, but if it was taken out of context, if it hurt o nakasakit ito ng sensitivities, especially ni Miss Anne Curtis, tayo ay nag-aapologize diyan, at siyempre, sa mga kababaihan in general."
“As I've mentioned, it was not intended to be a malicious statement; it was just an analogy that I intended to drive a point at nirerespeto natin, siyempre, ang kababaihan," dagdag pa niya.
Related content: Celebrities react to Rep. Bong Suntay's remarks on Anne Curtis
Samantala, patuloy na subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.