
May bagong dance challenge na nabuo sa fun noontime program na It's Showtime nitong Miyerkules (November 20).
Sa semifinals ng "Kalokalike Face 4," nagsimula ang kulitan nang tinuruan si Anne Curtis kung paano sumayaw ng mala-Marian Rivera. Game na game ipinakita ni Pattie, ang Kapuso Primetime Queen impersonator, ang kanyang dance steps kay Anne. Ngunit kahit ilang ulit na ginawa ng host ang steps, nahirapan pa rin siya gayahin ito.
"Kaya (hindi mo magawa). hindi mo pa nararanasan magkudkod ng niyog, eh no?" asar ni Vice Ganda kay Anne.
"Paano ba? Kailangan ko kasi ma-visualize ang pagkyudkyod ng niyog," hirit ni Anne na pinagtawanan ng mga host.
"Ganoon pala sa Australia. 'Nagkyukyudkyud ng niyog,'" biro ni Vice.
Para matutunan ni Anne ang dance step, ipinamalas ulit ito ni Pattie na may kasamang pagkudkod ng buko. Sa wakas, nagawa ni Anne ang step ng maayos, ngunit bigla rin siyang nahiya.
Nang pinuri ng mga host ang galing ng impersonator sa pagsayaw, nabanggit ni Vice kung gaano siya ka-sweet tingnan. "Ang sweet nga 'yung pag[sayaw] niya. Sa totoong buhay, hindi naman ganoon ka-sweet ang niyog," sabi ni Vice.
Bilang ganti, nag-request kaagad si Anne na ituro ng Unkabogable Star kung paano ang totoong pagsayaw ng pagkudkod ng buko. Marami ang natawa nang biglang pumorma siya na parang nakaupo sa bangko at mabilis na nagkudkod ng niyog.
"Kaya mo ba 'yung naglalakad?" pabirong tanong ni Vhong Navarro.
Ang buong studio ay napuno ng halakhakan nang gawin ni Vice ang kanyang bersyon ng dance step habang naglalakad.
"At least alam na ni Anne Curtis paano gawin," masayang sinabi ni Jhong Hilario.
Simula kay Anne Curtis, sunod-sunod na pinagawa ng mga host ng It's Showtime ang dance challenge sa isa't isa. Hindi nakatakas ang kanilang staff, pati na rin ang mga Kapuso hurado na sina Richard Yap, Ruffa Mae Quinto, at Gladys Reyes.
Siyempre, masaya ring nabanggit ng mga host ang orihinal na Marian Rivera at inanyayahan itong gawin ang Kyudkyud Niyog Challenge.
"Nananawagan kami sa iyo Marian. 'Di mo kaya i-viral sa TikTok 'yung challenge," biro ni Vice. "Marian, subukan natin i-trend 'yon sa TikTok."
"Tingnan natin ang sagot ni Marian doon sa challenge mo," dagdag ni Vhong.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang mga naging trending at nagwagi na "Kalokalike Face 4" contestants sa gallery na ito: