
Ipinagdiriwang ng It's Showtime ang kanilang 15th anniversary ngayong Oktubre at ibinahagi ng hosts ang kanilang nararamdaman sa nalalapit na selebrasyong ito.
Sa naganap na press conference ng noontime variety show kamakailan, nagpasalamat si Kim Chiu sa GMA Network dahil binigyan sila ng bagong plataporma para mas maraming manonood ang kanilang mapasaya.
“Salamat dahil binigyan kami ng platform for a wider market, a wider audience. Kaya very thankful kami, lalo na first time namin ise-celebrate ang Magpasikat, 15th anniversary pa kasama ang mga Kapuso. Kaya we're very happy, we're very lucky, and looking forward kami na mapanood ng lahat,” ani ng Chinita actress and host.
Binalikan naman ni Unkabogable Star Vice Ganda ang 15 na taon magmula nang umere ang It's Showtime at aniya'y ramdam nilang tila parang unang taon pa rin ng programa.
“Actually 'yung thought na 15th anniversary ito… Ang bilis no? Labing-limang taon na agad 'yon. Kaya kapag may nagtatanong, 'pang-ilan n'yo na 'yan?' 'Pang-15.' 'Wow.' Gano'n gano'n lang 'yun, lumipas na agad 'yung panahon ng labing-limang taon na parang… masarap siya na medyo mahirap na parang laging bago, parang laging first year.
“'Di ba kapag first year mo, ang daming birth pains, ang dami niyong pinagdadaanan pero ang excitement ang taas din. Hanggang ngayon, gano'n pa rin 'yung nararamdaman namin,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa ng seasoned host-comedian, sa kabila ng 15 na taon ng noontime show ay hindi sila nagiging kampante at patuloy nilang pinaghuhusayan ang pagbibigay ng saya sa mga manonood.
“Nakakatuwa na 'yung passion [at] interest ng mga tao na nandidito, bumubuo, 'yung energy, parang ganap na ganap pa rin. Hindi nauubos. Nakikita ko, nararamdaman ko ang pagod ng marami pero ang pinaka-pinagpapasalamat ko sa Panginoon, hindi sila nauubos kahit 15 years na,” saad niya.
Labis ang pasasalamat ni Amy Perez sa Kapuso Network dahil sa kanilang pagmamahal at pagsuporta sa kanilang programa.
Aniya, “Very, very happy and honored na nandito kami ngayon sa GMA tapos 'yung suporta at 'yung pagmamahal ng GMA, nararamdaman namin, talagang Kapuso kami. 'Yung everyday na nakikita namin na maligayang-maligaya 'yung mga Madlang Kapuso na pinapanood din kami at sinasamahan kami sa journey namin dito ng 15 years and, more so, sa mga darating pang taon. Talagang very thankful and grateful kami sa GMA-7.”
Magaganap ang much-awaited “Magpasikat 2024” simula October 21 hanggang October 25 sa It's Showtime.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
SAMANTALA, SILIPIN ANG KAPUSO STARS NA NAKISAYA SA 'IT'S SHOWTIME' SA GALLERY NA ITO.