
Puno ng good vibes ang napanood sa episode ngayon ng noontime variety show na It's Showtime.
Sa katunayan, nagkaroon pa ng habulan sa “You Got A Lyric” ng “Laro Laro Pick” segment, kung saan kailangang mabigay ng madlang player ang pamagat ng awitin base sa ipakikita na eksena ng mga host.
Isa sa mga eksena na ipinakita rito ay isang tila wedding ceremony na may naglalakad na bride at ang host-singer na si Jugs Jugueta ang nagsilbing groom.
Bilang parte ng eksena, mayroong nagpatigil ng kasal at pinahuhuli ang groom kung kaya't nagkaroon ng habulan sa loob ng studio.
Nagsitakbuhan ang ilang hosts sa studio at nadapa pa si Jugs sa hagdan, ngunit agad din siyang nakatayo. Mas napuno pa ng tawanan nang sumali na rin ang ilang madlang players sa paghahabol.
“Parang palaki na nang palaki 'yung eksenang 'to. Ang dami palang tao,” ani ni Vice Ganda.
Hirit pa niya, “Isang malaking komosyon na po ang nangyayari dito. Nananawagan kami sa inyo!
“So, ano ang pamagat ng awiting tinutukoy sa eksenang 'yon, Pasipiko?”
Sinagot ng madlang player ay ang kantang “Pangako,” ngunit ang tamang sagot ay ang awiting “Minsan Lang Kita Iibigin.”
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.