
Sinagot ng content creator na si Ivana Alawi ang mga pambabatikos na natanggap niya online matapos mag-viral ang pamamahagi niya ng ayuda sa mga binaha.
Nag-comment kasi ang netizens na dapat sana sa mas ligtas na lugar namahagi si Ivana ng relief goods at kaunting halaga sa mga nasalanta imbes na sa kalagitnaan ng baha na abot hanggang binti.
Sa comments section, ipinaliwanag ni Ivana na nasiraan ang truck na gamit nila sa pamamahagi ng relief goods, “Sana alamin n'yo din kung bakit nandoon sa gitna ng baha ang truck natin, nasiraan ito at hindi na maka andar ng bandang hapon. Kaya habang sinusubukan naming ayusin para lumipat sa ibang area, may mga biglang pumila at nag stop din kung saan tumirik.”
Dagdag pa ng social media star, bumabalik-balik na lang sila sa nasiraang truck para makahakot ng relief goods na ipapamahagi nila sa mga nasalanta.
Hiling din ni Ivana sa mga nagbibigay ng hate comments, maunawaan sana at alamin muna ang buong sitwasyon bago manghusga.
KILALANIN ANG SPARKLE STARS NA NAGLAAN NG ORAS PARA TUMULONG SA MGA NASALANTA NG BAGYO NOONG 2025 SA GALLERY NA ITO:
Sa naturang video, ipinaliwanag na rin ni Ivana ang nangyari at sinabing inabot ng baha ang kanilang truck kaya hindi na ito makaandar. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin umano sila sa pamamahagi ng relief goods sa iba't ibang lugar na apektado ng baha.
Naaawa rin umano ang aktres-content creator sa estado ng mga taong lumulusong sa baha, “Nakakaawang isipin na paulit-ulit na lang natin nakikita ang mga kababayan natin na lumulusong sa baha. kinakabahan sa tuwing uulan, takot sa bawat pagtaas ng tubig, at nag-aalala na baka bukas, wala nanaman silang tahanan na uuwian.”
Naisip tuloy umano ng aktres na sana ay hindi lang ang pamimigay ng relief goods ang maging solusyon sa problemang ito.
“Ang tunay na solusyon ay hindi lang pera at relief goods; sana ay hindi na sila mabaha at sana, hindi na nila kailangan lumusong sa baha ulit. Sana ay maayos na ito,” sabi ng content creator.
Pinuna rin ni ivana na kahit wala ng ulan o pabugso-bugso lang at hindi naman kalakasan ay nananatili pa rin ang baha sa lugar. Sinabi niyang maaaring may problema talaga ang drainage system kaya hindi ito humuhupa.