
Ibinahagi ni Kapuso actor Jak Roberto na may ilang precautions sila ng kapatid na si Sanya Lopez kapag galing sila sa taping.
Unti-unti na kasing bumabalik sa trabaho sa labas ng bahay ang dalawa.
"Kami, pinapalalakas na lang namin 'yung immune system namin para kung sakaling wala talagang choice at kailangan naming magtrabaho or lumabas para sa trabaho, naka ready kami," paliwanag ni Jak sa isang online interview kasama ang ilang piling miyembro ng media, kasama ang GMANetwork.com.
Sinisiguro daw ng magkapatid na mapapanatili nilang safe at malusog ang mga sarili bago lumabas.
"Kumpleto din kami ng mga pang-sanitize, face mask, face shield. Minsan nag-uusap kami, pagka pumunta tayo ng taping siguro mas maganda ganito isuot natin. Mas maganda kung mag-stay na lang tayo sa kotse. Huwag na tayo mag-stay sa tent para less contact," ani Jak.
Nagbigay din daw siya ng ilang mungkahi sa production para mabawasan ang face to face contact sa set.
"Ang way kasi na sinabi ko para halimbawa, 'yung mga actors in sa Viber na lang. May Viber group para doon mo babasahin yung sequence guide.
"Kung break time na, doon na lang kayo tatawagin so less contact. 'Di natin alam kung minsan may nakakalusot kahit nag-rapid test na," pahayag ni Jak.
Inoobserbahan din daw nilang magkapatid ang mga sarili pag-uwi sa kanilang tahanan tuwing galing sila sa taping.
"Magkasama kami sa bahay, e. 'Pag isa nag-taping sa amin, kailangan ko munang i-observe 'yung sarili within 2 to 3 days. Nasa kuwarto lang, hindi masyadong bumababa or nakiki-join doon sa mga tao sa baba," aniya.
Ipinagpapasalamat naman ni Jak na mayroon silang savings ni Sanya bago nagkaroon ng lockdown.
"Buti na lang kahit papano bago mag-ECQ (enhanced community quarantine), mayroon naman natagong savings. Ang ma-advice namin, kung mayroon namang ipon tapos medyo risky 'yung gagawin mo, huwag na lang muna," sabi ni Jak.
Gayunpaman, alam daw niya na kailangan na talagang mag-adapt sa tinaguriang "new normal."
Kaya naman daw ito, basta kailangan lang doblehin ang effort.
"Kailangan natin talaga mag-adjust sa new normal. Kailangan nating i-adopt 'yun dahil hindi natin alam kung hanggang kailan pa 'to.
"Hindi naman puwedeng ganito na lang palagi. Babagsak 'yung ekonomiya, sabi nga nila. Kailangan din talaga magtrabaho," ayon kay Jak.
Alamin din kung paano nagse-share sina Jak at Sanya sa kanilang work-from-home setup sa video sa itaas.