
Maraming artista ang nahihilig sa big bikes at isa na riyan ang Kapuso actor na si Jak Roberto. Itinuturing niyang prized possession ang kanyang mga motorsiklo.
Ang kasiyahan ni Jak, dahilan nga rin ba ng pag-aaway nila ng girlfiend niyang si Barbie Forteza?
"Oo nga, 'yun din ang tanong ko. Buti kahit papaano madam pumapayag ka na?" sabi ni Jak kay Barbie habang in-interview ni Nelson Canlas para sa podcast nitong Updated With Nelson Canlas.
Sagot ni Barbie, "Ang tanong: may choice ba?"
"Meron naman. Kaya nagpapaalam nga e," hirit naman ni Jak.
Naging honest naman sila na naging sanhi ito minsan ng pag-aaway nila dahil iniisip lang naman ni Barbie ang safety ng kanyang boyfriend habang nagra-ride.
"Minsan may mga sinasabi 'yan, 'Mas madaling mag-sorry kaysa magpaalam,' kaya ginagawa niya muna tapos nagso-sorry na lang siya after," ani Barbie.
Gayunpaman, proud naman si Barbie kay Jak dahil responsableng rider ito matapos mag-enrol sa isang superbike school.
Bahagi ni Jak, "'Yong California SuperBike School, ano naman 'yun, more on parang school talaga siya for big bikes. Para kung paano mo gamitin nang maayos 'yung motor, kung paano 'yung safety mo sa pagra-ride, mga fundamentals ng motor, ganun."
Sabi pa niya, "Itong California SuperBike School galing siya sa ibang bansa, mga coaches pumupunta pa dito para mag train lang ng mga willing mag-enroll doon."
Para hindi raw mag-alala pa si Barbie, hinahayaan ni Jak na i-track siya nito habang nagmamaneho.
Bahagi ni Jak, "Nakikita niya sa tracker kung nasaan ako. Pati battery ko, kung saan huling pinuntahan ko, nandoon lahat."
Paliwanag ni Barbie, para na rin ito sa kanyang peace of mind.
Aniya, "Uy pero advisable 'yun. Hindi kita kinukulit, hindi ako napa-paranoid kung nasaan ka, 'di ba? Ano lang naman 'yun, safety purposes din. Kasi mahilig akong manood ng mga crime. So siyempre pagka hindi ka na nagme-message tapos hindi pa kita nata-track, papaano, 'di ba? Mahirap. [Para] nandoon ako agad."
Sinisigurado naman daw ni Jak na safe siya habang nasa daan dahil mga kaibigan na rin niya ang kanyang ridemates.
Bahagi niya, "Lagi naman akong nasa mabuting kamay. 'Yung mga sinasamahan ko rin naman sa pagra-ride, as in, 'yung mga kumpare ko na rin. We care for each other and everytime nagra-ride kami, meron kaming backup na four wheels, kumpleto naman kami sa gamit kapag na-flat-an, may mga first aid kit, 'wag naman sana, kung merong sumemplang, mga ganun.
"Saka 'yun nga 'yung advantage kapag nakapag-riding school muna. Confident ka kapag nasa kalsada. Hindi rin kasi biro 'yung big bike e, syempre, iba-iba 'yung makina niyan, mabilis. Kailangan rin ng proper riding experience."
Pakinggan ang buong panayam ni Nelson kina Barbie at Jak dito:
Nagka-develop-an sina Barbie at Jak nang magkasama sa 2017 GMA primetime series na Meant To Be kung saan isa si Jak sa apat na leading men ni Barbie.
May 2017 nang maging opisyal silang magkasintahan.
TINGNAN SA GALLERY NA ITO ANG ILANG KILIG PHOTOS NG JAKBIE: