
Nagbigay ng update si Kapuso actor Jak Roberto tungkol sa bahay na ipinapatayo niya.
Sa isang bagong vlog, ibinahagi ng aktor na tapos na ang pagpapagawa at nasa proseso na siya ng furnishing para dito.
Source: jakroberto (IG)
Dumayo pa si Jak sa Angeles, Pampanga para pumunta sa isang showroom na may customized at imported furniture.
"Hey, good morning, everyone! Today papunta tayo sa Pampanga para tumingin ng mga furniture dahil tapos na 'yung bahay natin at nasa exciting part na tayo. Mamimili tayo ng mga furniture and 'yung mga ibang gamit pa sa bahay," panimula niya sa video.
Tumingin siya dito ng mga kama, sofa, dining table, at iba pang kagamitan.
Noong nakaraang March, ipinakita ni Jak ang progreso ng pinapatayong bahay.
Inamin niya dito na maraming naging challenges sa pagpapagawa ng kanyang dream home.
"Grabe, totoo talaga ang sinabi nila. Mahirap talaga magpagawa ng bahay pero sobrang nakaka-excite na, guys! Ang dami nang nagdaan na pagsubok!. Wala nang sukuan 'to," lahad niya sa isa pang vlog.
Kasabay ng pagpapatayo niya ng bahay, nag-venture din sa restaurant business si Jak at nagbukas ng isang steakhouse sa Quezon City.