
Aminado ang Sparkle hunk na si Jak Roberto na hindi maiwasan matulala sa tuwing kaeksena niya ang seasoned actor na si Gabby Concepcion sa much-awaited afternoon series na My Father's Wife.
Gaganap si Jak bilang si Gerald sa serye na idinirehe ni Aya Topacio, samantala gagampanan naman ni Gabby ang role ni Robert, ang ama ni Gina (Kylie Padilla).
Sa panayam ng entertainment press kay Jak Roberto sa GMA Afternoon Prime Grand Media Day noong Lunes, June 16, sinabi ng aktor na kahit ilan pa lang ang eksena niya kasama si Gabby ay may pagkakataong natutulala pa rin siya.
“Yun talaga 'yung masarap makatrabaho, 'yung mga veteran actor. Parang matic na sa kanila, 'yung parang hindi ka na nag-aadjust, sila pa nga 'yung nag-aadjust sa mga kabataan.
“And matututo ka sa kanila through professionalism, hindi nale-late, alam 'yung script. Kahit gaano kahaba, nakakatulala nga minsan na monologue 'yung eksena ni Kuya Gab, pero parang wala lang sa kanya and napaka-natural nung dating.”
The cast of My Father's Wife join the GMA Afternoon Prime Grand Media Day/ Source: GMA-7 and GMA Drama
Bagama't kilala sa pagiging komikero at makulit ni Jak sa kanyang vlog at nang ito ay maging mainstay sa Bubble Gang, sinabi nito na mas komportable siya sa paggawa ng drama projects.
Aniya, “Mas challenging sa akin magpatawa talaga.
“Mas mahirap talaga magpatawa, pero when it comes to drama naman, 'yun naman 'yung parang safe zone ko. Mas kumportable talaga ako sa drama, sa action.
“Kasi parang totoong buhay naman yan e. Nangyayari naman sa totoong buhay 'yan and 'yung pag-interpret natin sa mga characters, lalo na sa mga situation. kailangan tao pa rin, so mabilis naman siya mahugot 'yung emosyon sa mga ganung klaseng eksena.”
Makakasama rin ni Jak sa My Father's Wife si Kazel Kinouchi bilang si Betsy at sina Maureen Larrazabal, Sue Prado, Andre Paras, at Arlene Muhlach. May special participation din si Snooky Serna.
Tutukan ang world premiere ng My Father's Wife this coming June 23, pagkatapos ng It's Showtime.
RELATED CONTENT: Gabby Concepcion is thrilled to return to TV via 'My Father's Wife'