
Bumubuti na ngayon ang lagay ng kompanya ng aktor at singer na si James Reid na Careless Group matapos mawala ang business partner niyang si Jeffrey Oh.
Matatandaan na noong Agosto 2023 nang arestuhin ng Bureau of Immigration si Jeffrey dahil wala diumano itong work permit at visa para magtrabaho sa Pilipinas, na kinumpirma ng spokesperson ng ahensya na si Dana Sandoval.
“Si Jeffrey Oh ay isang Korean-American at CEO ng Careless Entertainment, ang kompanya na itinatag nila ni James. Nagmamay-ari rin si Jeffrey ng restaurants at isang club lounge sa Makati. Inaresto si Jeffrey ng mga immigration operatives noong July 28 sa Poblacion, Makati matapos makatanggap ang Bureau of Immigration ng reklamo na wala umanong visa at work permit si Jeffrey,” pagbabahagi ni Boy Abunda sa “Today's Talk” segment ng Fast Talk with Boy Abunda noong Agosto ng nakaraang taon.
Kasama ang kaniyang legal counsel na si Attorney Rodel De Guzman, idinitalye nila sa vlog ng talent manager at entertainment reporter na si Ogie Diaz ang mga naganap sa kompanya at partnership nila ni Jeffrey.
Kuwento ni James, una niyang nakilala si De Guzman noong nakaraang taon para tulungan silang ayusin at i-audit ang kompanya.
Ayon kay De Guzman ay July pa lang nang sabihan na nila si Jeffrey na ite-terminate na siya mula sa kompanya matapos nilang mag-imbestiga at maglabas ng audit report. Dahil sa mga nalaman nila mula sa repports ay napagdesisyunan nilang tanggalin na si Jeffrey mula sa Careless Group.
“Naglabas kami ng aming audit findings, ipinaliwanag namin sa harap si Jeffrey Oh. Maraming posibleng maging problema pa 'yung kompanya pero ang pinakamalaking nakita namin, kulang ang papeles ni Jeffrey Oh para magtrabaho dito sa Pilipinas,” sabi ni De Guzman.
Dahil dito, nirekomenda niya sa Careless Group na alisin muna ang mga empleyado nilang kulang ang papeles. Paraan din umano ito para maayos nila ang problemang kinakaharap noon ng kompanya.
Nilinaw rin ng legal counsel ni James na hindi totoo ang pagpapakilala ni Jeffrey bilang chief executive officer o CEO ng kompanya.
“Ang naging reminder ko nga kay James, ang Careless ay iisa lang ang rehistradong may-ari kundi si James Reid lang. So kung ano man ang maging problema ng kompanya, ng tauhan niya, siya ang madadawit,” pagpapatuloy ni De Guzman.
“Kaya napag-usapan na namin na dapat, pormal na alisin si Jeffrey Oh para alam ng publiko na wala nang relasyon si Jeffrey Oh du'n sa mga kompanya,” sabi ng legal counsel ni James.
Ayon kay De Guzman, kaharap si James nang sinabi nilang formal nang ite-terminate si Jeffrey mula sa kompanya. Hiniling din nilang ibigay sa kanila ni Jeffrey ang mga papeles ng mga dapat ayusin sa kompanya, kabilang na ang accounting ng mga pondo.
“Ang sinabi niya sa akin, bigyan ko siya ng isang araw para ihanda niya kung ano man 'yung magiging impormasyon na ibibigay niya sa kompanya,” sabi ni De Guzman.
Pagpapatuloy pa ng abogado, “Kasi ang isang naging problema ay kulang na kulang sa dokumentasyon 'yung mga naging transaction nila under sa Careless Group. Kasama du'n sa usapan na 'yun, ido-document namin lahat nu'ng kulang para mapatakbo nang maayos 'yung kompanya.”
Sabi ni De Guzman ay na-postpone nang na-postpone ang pagbigay ni Jeffrey sa kanila ng mga dokumento hanggang sa nabalitaan na lang nila na nakaalis na ito at nakabalik na sa Los Angeles. Kuwento pa ng legal counsel ni James ay ipinasabi pa ng dating partner na ayaw na sila umanong makausap pa nito.
SAMANTALA, KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITY NA MANAGERS DIN NG KAPWA NILA ARTISTS SA GALLERY NA ITO:
Ayon pa kay De Guzman ay may malaking pera involved sa mga hinihingi nilang reports mula kay Jeffrey galing sa mga transaksyon kung saan ginamit umano ng dating business partner ni James ang pangalan ng Careless.
“Dalawang parte 'yan: 'yung mga dating obligasyon na nakita namin na wala pa kami diyan, siguro umaabot ng more than P100 million, at itong bagong obligasyon na mula nu'ng sinabi namin sa kaniya na 'wag ka munang ma-involve dahil inaayos pa namin 'yung kompanya, meron pa rin mga panibagong obligasyon na lumitaw, na hindi namin alam na pinasok niya,” kuwento ng abogado.
Bukod pa sa Careless, ginamit din umano ni Jeffrey ang pangalan ng iba pang negosyo ni James sa kaniyang mga transaksyon.
Ani James ay wala siyang kaalam-alam sa mga transaksyong ipinasok ng kaniyang dating partner. Katunayan, “kept in the dark” siya tungkol sa iba't ibang business dealings ni Jeffrey, at laging sinasabi sa kaniya na walang problema.
“It wasn't until I came forth and I finally met with attorney and explained to him all of the business dealings I've had with him and all the relationships I've had with Jeff, how much money he owed me, the contracts that he never gave me,” sabi ni James.
Pagpapatuloy ng aktor, “Finally, when all of that came out, his (Atty. De Guzman ) official recommendation to terminate him, give him a chance to sign those contracts and make those deals right, and wala, he left. He tricked me.”
Aminado rin si James na ang music festival nila noon sa Cebu, kung saan hindi na-close ni Jeffrey ang mga deals sa sponsors dahilan para sagutin lahat ni James ang gastos sa event, ang pinaka stressful sa business career niya.
“But you know, at the end of the day, I think his true colors showed and that he's a fraud and I think it's better. I'm very happy that he's gone now and our entire team, our staff, everyone is a lot happier that he's out of the picture, and things started to make sense,” sabi ni James
Nilinaw naman ni De Guzman na magfa-file pa rin sila ng charges laban kay Jeffrey pero sa ngayon ay tinatapos na muna nila ang pag-audit sa kompanya at mga transaksyon ng dating partner ni James.
“Kung ibabase ko sa mga nangyari, hindi pa namin tapos kasi marami pang bagong dumadating na obligasyon pala na kay James sinisingil. E hindi naman obligasyon ni James,” sabi ng abogado.
Pagpapatuloy pa ni De Guzman, “Parang ang nangyayari kasi, dahil ni-represent niya 'yung sarili niya as CEO ng kompanya, e si James lang naman 'yung may-ari nu'ng kompanya, 'yun ang sinasabi naming delikado. So legally, si James ang hahabulin.”
Pag-amin pa ni James ay maraming naghahabol sa kaniya ngayon at dahil ginamit ni Jeffrey ang pangalan niya ay ayaw niyang masira sa kanila. Nakausap na umano ng aktor ang mga taong nakatransaksyon noon ni Jeffrey para magpaliwanag at naintindihan naman umano nila.
“Well actually, I know a lot of these people, and a lot of these people, he would use me to make the introduction. So definitely they're not relationships I want to destroy. But I think just being honest and open and really telling the truth about what happened, that's the best way to fix all of this,” sabi ni James.
Inamin rin ni James na “very expensive learning experience” ang nangyari sa kaniya at sa kaniyang kompanya, lalo na at simple lang naman ang gusto niyang gawin.
“I just wanted to make music, I want to work with friends, people that I trust, create projects that we love, and it was very simple in what we wanted,” sabi ng aktor.
“But I worked with the wrong person, I think I'm too trusting to a fault. Sometimes I'm too optimistic. But luckily we're able to deal with the situation. I'm very grateful for my team, very grateful for Atty. Rodel for assisting me in this,” pagpapatuloy ni James.
Sa ngayon ay masaya na si James sa nangyayari sa kaniyang career at kompanya at sinabing alam niyang makaka-usad na siya ng walang pag-aalinalangan.
“Throughout my career, it's never been like this and I feel like now, it's starting to make sense again. I think that was the thing that just didn't make sense, that there's no one with their own agenda. I think everything's gonna be okay from here on out,” pagtatapos ng aktor.