
Inamin ng award-winning actress na si Jasmine Curtis-Smith na nakakaramdam pa rin siya ng pressure sa tuwing ikinukumpara siya sa nakakatanda niyang kapatid na si Anne Curtis.
Isa si Jasmine sa guest choices sa episode ng “Bawal Judgmental” segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, December 5, tungkol sa mga artistang may foreign blood at nadiskubre sa mga commercial.
Sa naturang episode, naitanong kay Jasmine kung may pressure pa rin ba siyang nararamdaman ngayon bilang kapatid ng aktres at TV host na si Anne.
Mabilis naman ang naging tugon ni Jasmine. Aniya, “Minsan mararamdaman ko pa rin 'yun. Pero sa tingin ko kasi mas nangunguna pa rin 'yung relasyon namin bilang mag-ate, magkapatid, so hindi [ko] 'yun hahayaan na [maging] mangunang pakiramdam or hindi [ko] didibdibin.
Sa katunayan, proud din si Jasmine sa tuloy-tuloy pa rin ang karera sa showbiz ng kanyang ate na kamakailan ay nagdaos pa ng kanyang comeback concert.
“Yes! I'm proud,” ani Jasmine.
Si Jasmine at Anne ay parehong may foreign blood dahil ang kanilang ama ay isang Australian habang ang kanilang ina naman ay Filipino.
Ibinahagi din ni Jasmine na dito siya sa Pilipinas nakapag-aral ng grade school habang ang ate niya ay nag-aral sa Australia kung kaya't mas malalim ang kanyang pagta-Tagalog kumpara sa kanyang Ate.
"'Yung sa utak, natural ba, or hindi siya kasing-slang or bulol," ani Jasmine.
Dahil dito, biniro siya ng Dabarkads host kung sinasabi ba niya na bulol ang kanyang ate Anne.
"Oy hindi a! Kayo nagsabi niyan a! Sinabi ko lang hindi ako bulol," birong sagot ng aktres.
"Pero nagagamit niya naman. Actually maganda, nagiging kwela sa kaniya," komento naman ng EB host na si Jose Manalo tungkol sa pagiging slang ni Anne.
SILIPIN ANG SIBLING GOALS MOMENTS NINA JASMINE AT ANNE CURTIS SA GALLERY NA ITO: