
Aminado ang aktor na si Jason Abalos, na nagsisilbi bilang board member ng probinsya ng Nueva Ecija, na may pagkakapareho sa trabaho niya sa gobyerno ang ginampanan niyang karakter sa upcoming GMA Afternoon Prime series na Lilet Matias, Attorney-At-Law.
Sa kauna-unahang legalserye sa Pilipinas, gagampanan ni Jason ang karakter ni Boni Linao, ang kaibigan ni Lilet Matias (Jo Berry) sa law school na kasabay niyang naging abogado.
"Mahirap ang gumanap na isang abogado kasi hindi po gaya ng mga una kong ginagawa na labas na labas 'yung emosyon, e. Dito, bilang abogado ka, wala ka dapat kinakampihan, dapat makita ng tao na neutral talaga, nandoon ka lang sa katotohanan, nandoon ka lang sa [panig ng batas]," saad ni Jason sa press conference ng Lilet Matias, Attorney-At-Law noong February 24.
Paglalarawan ni Jason, "May pagkakaparehas po. Ang [goal] ng mga lawyer [is] to serve and to protect, e. So, parehas lang, parehas lang na nasa panig kami ng katotoohanan at para sa tao."
Makakasama ni Jason sa Lilet Matias, Attorney-At-Law sina Sheryl Cruz, Rita Avila, Bobby Andrews, Lloyd Samartino, Troy Montero, Glenda Garcia, Shermaine Santiago, Ariel Villasanta, at Maricel Laxa-Pangilinan.
Parte rin ng programa sina EA Guzman, Analyn Barro, Joaquin Domagoso, Zonia Mejia, Jenzel Angeles, at Hannah Arguelles.
Panoorin ang world premiere ng Lilet Matias, Attorney-At-Law, sa Lunes, 3:20 P.M., 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.