
Hindi napigilang ma-shock ni Jayson Gainza matapos makita ang kanilang electric bill nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Jayson, hindi niya inasahan ang pagtaas nito kahit halos 10 araw silang wala sa bahay dahil sa family trip nila sa Batangas para sa ika-18 kaarawan ng kanyang anak.
“Nagulat lang din ako nitong nakaraan,” ani Jayson. Nakausap siya ng GMANetwork.com at iba pang entertainment media matapos niyang pumirma ng endorsement contract sa OWEN Regenerative and Longevity kahapon, July 2.
“Napatingin ako sa bill. Nagtaka lang din ako kasi PhP6,000-PhP7,000 ang naman ang konsumo namin.'”
Base sa social media post ni Jayson, umabot ng mahigit PhP17,000 ang kanilang electric bill para sa nakaraang buwan.
Mas nakakagulat daw dahil noong nakaraang buwan ay matagal silang wala sa kanilang bahay.
“Last month, nag-birthday pa anak ko, 18 years old. Nag-Batangas pa kami, parang 10 days kaming wala sa bahay. Nagulat kami kasi lumaki pa lalo yung bill. Tag-ulan naman nun, hindi rin kami masyadong nagbubukas ng aircon sa umaga.”
Dahil dito, ibinahagi niya ang kanyang saloobin sa social media at napansin niyang marami rin palang netizens ang may parehong hinaing.
“Nag-post ako sa Facebook tungkol doon. Marami rin palang umaangal. Marami ring artista ang nag-post.”
Umaasa si Jayson na mabibigyan ito ng agarang aksyon ng Meralco, lalo na't ramdam aniya ng maraming pamilya ang bigat ng gastusin sa kasalukuyan.
“Sana naman magawan ng paraan 'yun ng Meralco. Kasi wala naman tayong magagawa. Siguro sa isip nila, 'Magbabayad din naman kasi puputulan ka kapag hindi ka nagbayad.'”
Hiling din ng aktor na maging mas malinaw ang paliwanag sa computation ng kanilang bills upang mas maintindihan ng consumers kung saan napupunta ang kanilang binabayaran.
“Sana maging sensitive din sila sa hirap ng buhay ngayon. Ipaliwanag din nila kung saan napupunta yung binabayad natin at bakit ganoon yung computation.”
Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, biniro pa rin ni Jayson ang sitwasyon.
“Sabi ko nga sa sarili ko, wala naman kaming talyer sa bahay,” pabirong hirit niya.
Nabanggit din niya na dahil dito, “Dahil sa Meralco, alas-9 na kami nagbubukas ng aircon. Pawis na pawis ako habang nanonood kami ng Netflix.”
Panoorin ang buong panayam dito:
Tingnan ang iba pang mga artistang umaaray sa taas ng kanilang electric bill: