
Hindi maitatangging malaking ang naiwan ni Jukebox King April Boy Regino nang pumanaw siya noong 2020. Ngunit ayon sa anak niyang si JC Regino, hindi ito naging hadlang para gumawa siya ng sariling pangalan at sa katunayan, naging inspirasyon pa niya ang ama para sumunod sa yapak nito sa musika.
Sa pagbisita ni JC sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, April 25, tinanong ni King of Talk Boy Abunda ang batang singer-songwriter kung paano siya naapektuhan ng kasikatan noon ni April Boy.
Ani JC, “Nu'ng bata po ako, nakikita ko ang daddy ko, na-inspire po talaga ako kasi gusto ko talaga siya gayahin kumanta, sumulat ng kanta, kasi kapag nakikita ko siyang nagpe-perform sa mga tao, ang dami niyang napapasaya lalo na 'pag nilalabas niya 'yung magic sombrero.”
Ngunit ayon kay JC, nalaman lang niyang talagang sikat na ang kaniyang ama noong nakikita nilang pinagkakaguluhan na ng mga tao si April Boy. Ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi sila makalapit agad pagkatapos magtanghal ng tinaguriang Jukebox King.
“Bawal na kaming lumabas kasi 'pag lumabas, pupuntahan po siya agad ng mga tao, dinudumog agad po siya,” sabi ng young singer.
MAS KILALANIN PA SI JC REGINO SA GALLERY NA ITO:
Kwento ng young singer-songwriter, isa sa mga pagkakapareho nilang mag-ama ay kung paano sila umibig.
Ani JC, “Ano ako e, talagang sabi nga 'di ba? 100 percent ako lagi po e. Pati sa pag-ibig, 'Kung ano 'yung gusto mo, gagawin ko 'yan.' Ano ako lagi, masarap maging under e, kasi 'pag under daw e napapasaya mo 'yung mahal mo.”
Patungkol naman sa sweetness ng kaniyang daddy sa mommy niyang si Madel, “Lagi 'yan si daddy at saka si mommy [nagsasabi ng] 'I love you' three times a day!"
Isinasabuhay naman niya umano ngayon ang leksyon na natutunan niya mula kay April Boy, ang pagiging mapagkumbaba at ang mahalin ang mga nagmamahal sa kaniya.
“Kasi po ang lahat po ng nagpapakumbaba ay tinataas po ng Panginoong Diyos. 'Yun po 'yung lagi ko pong natatandaan. 'Wag akong magyabang, lagi lang akong down to earth, and lagi mong mahalin 'yung mga taong nagmamahal sa'yo,” pagtatapos ni JC.