
Opisyal nang recording artist ng GMA Music si JC Regino, anak ng OPM icon na si April Boy Regino, matapos na pumirma ng kontrata noong January 24.
Sa isang press interview, ikinuwento ni JC kung gaano siya ka-proud na naging anak ni April Boy.
"Masarap po syempre, masarap. Bilang anak po ng isang legend sa musika po, proud na proud po ako tuwing masasabing 'Uy! kilala ko daddy mo.' Parang kahit saan ako magpunta kapag sinabing kilala nila si daddy, 'yung pakiramdam ko po na parang... sobrang proud ako, 'Yes! Daddy ko 'yan,'” kuwento ni JC.
Dagdag niya, "Tapos kakantahin pa nila 'yung 'Di Ko Kayang Tanggapin.' Kasi lahat po nu'ng napupuntahan kong Pilipino halos walang hindi nakakakilala kay daddy. Kaya sobrang-sobrang proud po ako na bilang lumaki po ako na anak niya.
"At saka po si daddy sobrang may takot siya sa Diyos at mapagmahal po sa pamilya n'ya kaya napalaki po kaming dalawa ng kapatid ko at napagtapos kami ng pag-aaral."
Ayon kay JC, naging buhay na ng kanilang pamilya ang musika. Sa edad na 13, tinuruan siya ni April Boy na tumugtog ng gitara, gayundin ang magsulat ng kanta.
"Buong buhay po namin, nabuhay po kami sa music. 'Yun pong kahit anong mangyari, kahit anong bonding namin palagi pong may music. Lalo na po sa ipinamana n'ya sa aking talent sa pagkanta at pagsulat ng awitin po, nagpapasalamat po ako roon," sabi niya.
Sa ngayon, masaya si JC na nakabalik na sa industriya, at excited nang maiparinig sa lahat ang bagong awitin na isinulat niya bilang pasasalamat sa lahat ng tagahanga ng kanyang pumanaw na ama.
"Actually, napakaganda po nitong awitin na aabangan nila sa amin dahil ito po ay nagawa ko para po talaga sa mga tagahanga at sumuporta sa daddy ko. Ito po ay pasasalamat. Kapag narinig po ito, may tunog talaga po ng April Boy. Tapos kasama ko pa po rito ang mga tito ko po na sumama sa kanta kong ito,” aniya.
"'Yung mga aabangan po nilang awitin sa akin ay ako rin po 'yung magsusulat ng kanta, katulad ng daddy ko. Puro love songs, puro OPM po kasi iyon po yung buhay namin, talaga pong tinatangkilik namin 'yung original Pilipino music."
BALIKAN ANG NAGING BUHAY NI APRIL BOY REGINO SA GALLERY NA ITO: