
Matapos ang pitong taon, muling tumungtong ang aktres na si Ryza Cenon sa GMA Network para mag-guest sa Fast Talk with Boy Abunda kahapon, July 14.
Si Ryza ay produkto ng reality artista search na StarStruck kung saan itinanghal siyang Ultimate Female Survivor sa ikalawang season nito.
Higit siyang nakilala nang gumanap bilang Georgia, ang main kontrabida sa hit GMA Afternoon Prime series na Ika-6 Na Utos na ipinalabas mula December 5, 2016 hanggang March 17, 2018.
Sa panayam sa kaniya ng King of Talk, naungkat ang ilang kontrobersiya na kinaharap niya noon, partikular na ang napabalitang hidwdaan nila noon ni Jennylyn Mercado.
Ayon kay Ryza, matagal nang tapos ang kanilang away dahil pareho na silang nag-mature at ngayon ay may kaniya-kaniya na silang pamilya.
Aniya, "Wala na po 'yun, tapos na po 'yun. May pamilya na po kami, may mga anak na po kami."
Sabi pa ni Ryza, dala lang ito ng kanilang kabataan at tinatawanan na lang nila ngayon ang ganitong isyu.
Si Ryza ay mayroong isang anak na si Night sa partner niyang cinematographer na si Miguel Cruz.
Samantala, si Jennylyn ay kasal sa kapwa niya aktor at Sanggang-Dikit FR leading man niyang si Dennis Trillo. May isang anak sila na si Dylan. Parehong may isang anak sina Jen at Dennis mula sa kanilang mga dating nakarelasyon.
TINGNAN ANG PARENTHOOD JOURNEY NI RYZA CENON SA GALLERY NA ITO