
Matapos ang mahabang pahinga, magiging abala na naman ang 2025 ni Kapuso Ultimate Star Jennylyn Mercado dahil sa mga nakalinyang proyekto niya sa susunod na taon.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, ibinahagi ni Jennylyn na unti-unti nang nagiging aktibo muliang aktres matapos ang ilang taon na wala siyang proyekto. Kaugnay nito ang bali-balita noong July na lilipat diumano si Jennylyn sa ibang network matapos hindi siya makita ng fans sa ilang importanteng GMA functions.
Mensahe niya sa fans, “Kalma. Ito na, unti-unti, nagpapakita... nag-GMA Christmas Special (Christmas ID) na 'ko, tapos next year, marami silang aabangan kasi may gagawin kaming project ni Dennis sa TV, may pelikula, may ilalabas ako na album.”
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI JENNYLYN SA GALLERY NA ITO:
Sabi pa ni Jennylyn, kinailangan lang nila ng management team niyang Aguila Entertainment na iposisyon lahat, lalo na at kinailangan pa niyang tutukan ang noon ay baby pa na si Dylan.
Kwento ng aktres, noong mas bata pa ang anak nila ng asawang si Dennis Trillo ay lagi itong umiiyak at naghahabol tuwing aalis sila para magtrabaho. Aniya, kinailangan pa nilang magtago o hindi magpaalam kapag aalis sila na masakit din para sa mag-asawa.
“Pero ngayon, alam na niya, nasasanay na siya, naiintindihan na niya, Kuya Nelson. Alam na niya 'pag sinabing work si mom, work si papa, alam na niya,” sabi ni Jennylyn.
Ngunit kahit okay na si Dylan ngayon at naiintindihan na niyang kailangan magtrabaho ng kaniyang mga magulang, sinigurado pa rin ni Jennylyn at ng kanilang management na hindi muna punuin ang kaniyang schedule sa 2025 para magkaroon pa rin ng oras sa pamilya.
Ibinahagi rin ng aktres kung ano-ano ang mga dapat abangan ng fans sa kaniya, “May lalabas kami na show together sa GMA na soap, kami ni Dennis. May pelikula kaming lalabas sa February, saktong-sakto sa Valentine's Day, tapos ilalabas ko na rin 'yung album ko by January, under Star Music.”
Pakinggan ang buong panayam kay Jennylyn dito: