
Pinag-usapan online hindi lang ang maaaksyon at matitinding eksena, kundi maging ang mga nakakatawang tagpo sa huling Huwebes ng GMA Prime series na Sanggang-Dikit FR.
Bukod sa mainit na paghaharap ng onscreen rivals na sina Dennis Trillo at Juancho Triviño, na unang sumikat sa Kapuso series na Maria Clara at Ibarra, kinaaliwan din ang pagganap ni Jennylyn Mercado, na binansagang Philippines' "Queen of Romantic Comedy," sa Sanggang-Dikit FR.
Sa kwento, parehong pulis ang ginagampanang roles ng showbiz couple na sina Dennis at Jennylyn na nagngangalang Tonyo at Bobby. Sina Tonyo at Bobby ang nag-iimbestiga sa korap na alkalde at most wanted criminal ng Calabari na si Mayor Glen Guerrero, na ginagampanan ni Juancho.
Sa episode ng Sanggang-Dikit FR kagabi, January 29, hinalughog ng kapulisan ng Station 12 ang isang secret hideout ni Mayor Glen.
Natunton nila ang kinalalagyan ng mayor dahil sa girlfriend nitong si Cecilia (Sam Pinto) matapos itong maglagay ng tracker sa kanyang compact powder.
Sa gitna ng operasyon, nakorner ni Mayor Glen ang kanyang kapatid na si Bobby at hinostage ito. Nagbigay ng ultimatum si Glen kay Tonyo na papatayin ang girlfriend niyang si Bobby kapag hindi niya ibinaba ang kanyang baril.
Hinamon ni Tonyo si Glen na ituloy ang kanyang masamang plano dahil pagsisisihan niya ito sa huli.
Habang nasa gitna ng engkwentro, kinompronta ni Bobby si Tonyo matapos nitong sabihin na okey lang mamatay ang dalaga basta mahuli ang alkalde.
Nauwi man sa almost-lovers' quarrel ang maaksyong pagdakip kay Mayor Glen, sa huli, nagtagumpay din sina Bobby at Tonyo dahil sa kanilang strategy na ibaling ang atensyon ng tiwaling politiko sa kanilang "misunderstanding."
Huwag bibitiw sa huling gabi ng Sanggang-Dikit FR ngayong Biyernes, January 30, 8:55 p.m. sa GMA at Kapuso Stream. May delayed telecast din ito sa GTV sa oras na 10:30 p.m.
RELATED: 'Sanggang-Dikit FR' wows viewers with star-studded guest appearances